Kaibigan, Patawad (Filipino composition)

in filipino •  7 years ago  (edited)

fr.jpg

image source: https://www.google.com.ph/search?biw=1440&bih=769&tbm=isch&sa=1&ei=BjTSWobqN8n78gXX14DoBA&q=friendship&oq=friendship&gs_l=psy-ab.3..0i67k1j0l9.21832.22531.0.22785.4.3.0.1.1.0.179.179.0j1.1.0....0...1c.1.64.psy-ab..2.2.189....0.5CLX9oksHnI#imgdii=CTIIAMiz-rMyMM:&imgrc=DVPVrr_QwRKnPM:

Kaibigan. Isang salita na binubuo ng walong letra. Tila paglubog at paglitaw ng araw na tunay na nakakapagpaligaya. Tila isang kape na nakakapagpagising ng iyong diwa. Ngunit, tila rin itong isang halaman na kapag hindi naalagaan ay nalalanta at tila isang atletang tumatakbo na titigil kapag hindi na kaya. Hindi dapat na binabalewala, ngunit huli na’t ako’y nagkasala. Ang noong kabungguang-balikat ko’y naglaho. Ano ba itong nagawa ko? Ako’y nagkamali sa ‘king kaibigan. Kaya kayo, huwag niyo akong tularan.

Noong ako’y nasa unang baitang sa mababang paaralan, nakilala ko ang isang estudyante na bago sa aking paningin; marahil nasa kabilang seksiyon siya kaya hindi ko siya namumukhaan. Kami ay nagkakilala noong ginanap ang pagpaparangal sa aming paaralan. Magkasunod ang aming parangal kung kaya’t kami ay magkatabi. Nang mapadaan ang aking pinsan sa aming kinauupuan, nag-abot siya ng pagkain na siya namang ini-alok ko sa katabi at iyon ang simula ng pagiging magkaibigan namin. Nang kami’y nasa ikalawang baitang na, nagulat kami dahil pareho ang aming seksiyon. Mula ikalawang baitang sa elementarya hanggang sa unang taon sa hayskul ay magkasama kami. Taon-taong pagbibigayan ng regalo, madalas na pagpunta sa tahanan ng isa’t-isa at walang humpay na tawanan na bunga ng mga birong pinapakawalan. Iyan ang ilan sa madalas naming ginagawa tuwing kami’y magkasama. Noong ikalawang taon namin sa hayskul, nalipat siya sa mas mababang seksiyon at ako nama’y nanatili sa noong pinaglalagyan. Nagkaroon ako ng panibagong mga kaibigan at ganoon din naman siya. Muli kaming naging magkaklase nang nasa ikatlong taon na kami sa hayskul. Maraming nagbago. Maayos ang naging pagkakaibigan namin noong unang markahan. Nang dumating ang ikalawang markahan, nawala ang dating saya ko tuwing nakikita ko siya. Ang saya’y tila napalitan ng pagsasawalang-bahala. Marami ang hindi natuwa sa ilang pag-uugaling pinakita ng noo’y matalik kong kaibigan. Kesyo kulang raw sa pansin at kung ano-ano pa. Maraming nagbubulung-bulungan at nagtsi-tsismisan. Wala akong pakialam, wala akong reaksyon. Iyon ang malaking pagkakamali ko. Hindi ko siya nagawang ipagtanggol sa mga matatalas na dilang pumuputak tungkol sa pagkatao niya. Tila ako’y nawalan ng amor sa kanya. Nagpakalayo-layo ako sapagkat ako’y takot na baka mapag-usapan din. Iniwan ko siya sa mundong dapat kaming dalawa ang namamahala. Hindi na niya pinagpilitan ang kanyang sarili sa akin. Alam kong nadarama niya ang paglayo ko. Ninais kong magkaroon ng espasyo na siya namang ibinigay niya. Minsan kami’y nakapag-usap tungkol sa mga pinoproblema niya. Hindi ko akalaing dinadala niya ang mga ganoong klaseng problema. Hanga ako sa lakas ng loob niya. Hindi man naibalik ang aming dating pagkakaibigan, masaya akong naging parte ako ng buhay niya at naging parte rin siya ng buhay ko.

Hindi diyan nagtatapos ang aking kwento. Mayroon pa akong isang taong nakilala—anak ng kaibigan ng aming pamilya, na naging kaibigan ko rin. Ako’y mas matanda ng higit dalawang taon sa kanya ngunit hindi iyon naging hadlang upang kami’y maging magkaibigan. Madalas siyang nandirito samin, at ganoon din ako sa kanila. Tila kami hindi mapag-biyak bunga noon. Habang nagdadalaga ako, naisip kong masyado siyang isip-bata at hindi ko gusto ang ibang ugali niya lalo na’t siya ay laki sa layaw at hindi gaanong napapalo. Oo, alam kong mali ang aking pag-iisip ng panahong ‘yan. Parang ako pa ang mas isip-bata dahil nagawa kong isipin iyong mga bagay na iyon. Lumayo ako sa kanya. Wala siyang ideya kung bakit ko ginawa iyon. Noong una, sinusubukan niyang ipagsiksikan ang sarili niya sa ‘kin pero parang tinataboy ko na rin siya sa hindi ko pagpansin sa kanya. Napagod siya. Ganon na rin ang turing niya sa ‘kin. Napag-isip-isip ko noon, isa nanamang mahalagang tao ang nawala sa buhay ko. Kasalanan ko, oo. Aminado ako. Sa salitang ingles, immature akong matatawag. Ngayon, parang magkakilala nalang ang turing namin sa isa’t-isa. Nahihiya ako sa kanya sa tuwing naiisip ko ang nagawa ko noon. Gustuhin ko mang bumalik kami sa dati ngunit para bang huli na ang lahat. Totoong ang pagsisisi ay laging nasa huli. Kapag huli na saka mo palang maiisip ang mga bagay-bagay na nagawa mo. Nais kong maging mapag-isa. Madalas kong tinataboy ang ilang mga taong nagtatangkang pumasok sa buhay ko. Ganyan ako noon.

Siguro naiisip mo, oo, ikaw na mambabasa ko, na napakasama kong tao. Pero parating may lugar para sa pagbabago. Inalis ko sa aking sistema ang mga ganitong pag-uugali. Hindi ito madali. Lubos na mahirap magbago lalo pa’t nakasanayan mo nang gawin ang isang gawain ngunit mas napapadali ang pagbabago at mas gaganahan kang magbago. kapag nakikita mong mayroong pagbabago at pag-uunlad na nagaganap sa iyong sarili. Gaya ng aking sinambit kanina, ang isang kaibigan ay nakapagbibigay-aliw at saya ngunit napapagod rin. Nararapat silang pahalagahan at mahalin dahil baka sila’y mawala kung hindi mo ito gagawin. Sige ka, baka matulad ka sa akin.

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!