/ISANG LAGUNA, ISANG DIWA/

in laguna •  5 years ago 

Pinagpalang umaga Lagunense! 
Samahan niyo akong maglakbay, 
Sabay-sabay nating tuklasin ang lalawigang buhay na buhay! 
Si ate? Si kuya? Si lola at itay! 
Isama niyo rin si tito, tita, lola at inay! 
H'wag na kayong mahiya, halina't sumakay! 
Oh, ayusin niyo ang hanay, ayoko ng pasaway
Dahil sa araw na ito, paninindigan ko'y matibay
—na ang inyong buhay, ay tiyak na magkaka-kulay! 

Ako nga pala ang inyong tour guide, ang inyong tagapag-gabay! 
Ililibot ko kayo sa lugar na puno ng saysay! 
Dahil saan-mang sulok, sa bawat sangay
Bayang puro at tunay, Bayang walang kapantay! 

Ayan, narito na tayo ngayon sa unang istasyon! 
Maligayang pagdating sa lungsod ng Biñan! 
Kung saan bidang-bida ang mga putong malinamnam, 
Mga putaheng pinipilahan, kakaning binabalik-balikan
Ay talaga namang swak na swak sa t'yan! 

Dumako naman tayo sa Cabuyao! 
Laguna de bay ang matatanaw, 
Dausdos ng ilog ang nag-uumapaw
Produktong nakabibighani, talaga namang nangingibabaw
Kahit sino pang turista ay tiyak na mapapa-wow
—sa isang cabuyao, isang pananaw! 

At heto na tayo ngayon sa sunod na istasyon! 
Sigaw Calambeño!, sigaw mga henyo!
Kung pagkain ang usapan, hindi kami magpapatalo
Bibingka, Espasol? 
Oras niyo'y hindi magagahol! 
Subukan niyong tikman, nakakabulol
Sa sobrang sarap, nakaka-sana-ol! 

Teka lang, 
Kilala niyo ba si Rizal? 
Ang pambansang bayaning — dakila ang dangal
Ang tapang at talinong matagal niyang ikinintal
Sa bayan ng Calamba kung saan siya iniluwal, 
—ay labis pa sa sapat ang kaniyang pagmamahal. 

Sa puntong ito, hayaan niyong dalhin ko kayo sa lungsod ng San Pablo
Niyog ang pangunahin nilang produkto, 
Buko Pie na sa panlasa ay sakto, 
Bato spring na sa Mayo ay dinarayo, 
Lungsod ng pitong lawang gaano man kalayo
San Pablo ay panalo, saan pa mang dako. 

Marami pang lugar sa laguna, 
Ang tiyak na kahanga-hanga
Nakabibilib, nakamamangha
Nakabubusog ng iyong mga mata. 

Ang kesong puti sa Sta. Cruz, 
Hinding-hindi malalaos
Ang talon ng Pagsanjan Falls? 
Magpapatuloy sa pag-agos! 

Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, 
Sa kaalaman ay hindi makakapos
Ang mga hot springs at resorts sa Pansol? 
Habang-buhay dadausdos! 

Mga tsinelas sa Liliw Laguna, 
Kalan at banga ng Calamba, 
Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, 
Calauan na may matamis na pinya. 

Walang tigil ang ating bayan sa pagkinang
Inaasam na pag-unlad ay 'di mawawakasan
I-uukit ng mga taga-Paete at Pakil ang kasaganahan
'Di tayo magtatapos sa Underground Cemetery ng Nagcarlan

Shout out nga pala kay Gov. Ramil Hernandez! 
Alaga mo'y walang kapantay, tunay at wais. 
Nabubuhayan kami tuwing lunes hanggang biyernes, 
Lalo na kapag nag-post ka, ng mahiwagang "No classes".  

Sabay-sabay tayong aangat, 
Pananatilihin ang ating alamat, 
Paghihilumin ang ating mga sugat, 
Salitang laguna ay sobra pa sa sapat. 

Libutin natin ang natatanging ganda ng Laguna
Ingatan ang tradisyon, pamana at kultura
Taas-noong ipagmalaki ang kinalakhan nating probinsya,
Dahil sa huli, Lagunense pa rin ang dapat na manguna. 

Ibalik natin ang diwa ng nakaraan, 
Muling lakbayin ang libro ng kasaysayan, 
Hindi ba't kaysarap pagmasdan ng ating lalawigan? 
Lalo na kung patuloy nating aalagaan ang natatangi nitong yaman. 

Kaya naman bilang isa sa mga kabataang sabi nga ni Rizal ay pag-asa ng bayan, 
Hangad ko'y magandang kinabukasan —para lamang sa'ting bayan, 
Lakbayin ko man ang pinakamataas na kabundukan, 
O sisirin ang ka-ilaliman ng karagatan, 
Hinding-hindi lilimutan, ang bayan nating sinilangan. 

Sa pagitan ng Mindanao at ng Luzon, 
Naroroon ang ika-apat na Rehiyon 
—na kung tawagin ay CALABARZON
Mula Cavite hanggang Quezon, 
Laguna ang mananatiling kampeon. 

Hindi sapat ang titik, letra at salita
Gayon na rin ang mga pantig nitong binuo kong mga tugma
Upang isalarawan kung gaano ka-ganda,
Itong ating dakila't kaisa-isang probinsya

Sa puso ng Lagunense ay mananatili kang bida, 
Isang Laguna, Isang diwa! 
 

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Congratulations @aireenjoymarzo! You have completed the following achievement on the Steem blockchain and have been rewarded with new badge(s) :

You published your First Post
You got a First Vote
You made your First Vote

You can view your badges on your Steem Board and compare to others on the Steem Ranking
If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

Vote for @Steemitboard as a witness to get one more award and increased upvotes!