Awooo

in philippines •  6 years ago 

Awooo
Ni Kuyog Hangin

Awooo . . . (Gutom na ako)
Kabilugan na ng buwan
Ang dampi ng liwanag nito’y aking inuungulan
Sa katiting na sinag ng langit, hanap ay kandungan
Kaluluwang ginising ng gabi, sikmura’y kumakalam.

Awooo…(Gutom na gutom na talaga ako)
Kabilugan na nga ng buwan
Namamawis na ang aking dila sa iyong buto’t laman
Sa dugo mong malinamnam, kaluluwa’y natatakam
Ngunit hinahangad kong labis, ang puso mong nangangamkam

Awooooo
Maging pangil at kuko ko’y handa kang dakmalin
Sa pinahid kong langis, lalong tumatalim
Langis na piniga sa luha’t kinatas sa inggit
Kaya sa dilim naghahari itong aking mga bagwis

Kaya magtago ka na, minamahal kong biktima
‘pagkat ang araw sa iyo’y hindi na sisikat pa
Ngangatngatin ko ang lahat-lahat sa’yo
Higit lalo ang iyong mga matang sa aki’y nanlalabo

Aswang man akong ituring
Ngunit pakpak ko’y di kayang tawirin
Ang matayog na moog na yari sa anino ng dilim
Pinatatag ng liwanag ng buwan at mga bituin

Dugo mo ang papawi sa nanunuyo kong lalamunan
kaluluwa mo ang titibag sa pader na aking bilangguan
Labi mo ang bubusog sa damdaming nananamlay
Upang magawang salubungin ang bukangliwayway

Kaya pakiusap, hayaan mong kainin kita
Upang hindi na ako muling magugutom pa. . .


Kredito para sa aking kaibigang si Kuyog Hangin na gustong ibahagi ang kanyang tula dito sa steemit upang mabigyang puna ng iba't-ibang kumunidad ang kanyang istilo sa pagsulat.

Image retrieved from : https://www.google.com/search?biw=1536&bih=754&tbm=isch&sa=1&ei=TbLAW_6NFouevQTn5onoCA&q=wolf+silhouette&oq=wolf+silhouette&gs_l=img.3..0l10.6541.10878.0.11225.17.10.0.6.6.0.439.1287.0j2j2j0j1.5.0....0...1c.1.64.img..6.11.1316...35i39k1j0i67k1j0i10i24k1.0.g9h0WjUi97s#imgrc=yiit542_Xye0VM:


Hope you will like this poem. Upon posting this, Kuyog Hangin would be happy to know if there are constructive criticisms given for the write up as this will aid and give him some more room for improvements on his writing style. He has still a lot of works in which he is willing to share here at steemit. I am looking forward to your usual support.

Always,
@torania

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!