"Maghugas ka muna ng plato bago ka maglaro". Yan ang utos ni Inay sa akin pagkarating na pagkarating ko ng bahay mula sa eskwela.
"Naknam.... ako na naman ang maghuhugas si Kuya naman!" Aking tugon.
Palaging ganoon ang eksena namin sa bahay, sa araw-araw na ginawa ng diyos ako ang laging nauutusan na maghugas ng plato, magsaing, maglaba ng damit namin at minsan ay magluto ng pagkain. "Ano ba ako dito katulong?" Ayan ang minsang nasasambit ko sa aking sarili kapag napapagod na ako sa mga utos nila.
Ang kuya? Ayun nasa kaniyang kwarto nag-aaral ng kung anu-ano. Minsan nagsasalita mag-isa ng English at mga numbers na di ko intindihan. Sabi ng nanay henyo daw ang kuya, kailangan alaagan maigi, kailangan di daw pagod ang katawan kaya di siya pinapagawa ng gawaing bahay.
At ako na hindi nabiyayaan ng talino, tonto, bobo, inutil ako daw ang dapat na maging taga salo ng mga gagawin nya.
Ang saklap diba? Kung sinsana'y naging matalino din ako gaya ng kuya siguro hindi naging ganito ang trato nila mama. Pero ano ang magagawa ko, kulang nalang ay magholiday gada pirmahan ng card para walang pasok. Sabi ng nanay mas marami pa daw ang pula ng kard ko kesa sa holiday sa kalendaryo buwan-buwan.
"Bakit di mo gayahin ang kuya mo? Matalino! Nakaka proud maging anak." ani niya
Sympre hindi na ako makakasagot kasi nga na kumpara na naman ako sa magaling kong kuya.
Minsan gusto ko nang itanong kila nanay at tatay kung ampon nila ako kasi iba talaga ang trato nila sa akin. Para naman kahit papaano mabigyang hustiya naman ang kalagayan ko. Sympre pag ampon ka hindi ka miyembro ng pamilya, pag di ka miyembro kaunting pagmamahal lang ang meron. Tapos pag pinaliwanag na hindi nila talaga ako tunay na anak tatanggapin ko naman tapos hahanapin ko ang tunay kong magulang. Na proseso na ng utak ko ang magiging mangyayari yung big reveal nalang talaga mula sa kanila at sympre handa na ako.
Nung di na ako nakapagtiis ayun naitanong ko kila Nanay at Tatay kung ampon ba nila ako habang nakain kami ng kanin na nasunog at instant noodles.
Nag-iba ang kulay ng mukha ng nanay. Parang nagulat ata siya sa tanong.
"Yes! Ampon nga ako sabi ng utak ko."
Tahimik parin ang lahat, kaya nagtanong ulit ako.
"Tay bakit hindi niyo po ako kamukha at kamukha ako ng Tiya Dely na nasa probinsya na may sampung anak? Sila po ba talaga ang nanay ko?" Tanong ko
Hindi parin sila umimik. Nako jackpot nga! Hindi nga nila ako anak kailangan ko nang ibagsak ang pinaka matinding bomba ang pangongonsensya.
"Kahit ganoon pa man po Nay at Tay maraming salamat po sa pag-aalaga ninyo sa akin at sa pagpapaaral hindi ko po ito malilimutan, uuwi nalang po ako sa tunay kong magulang kasi kahit mahirap ang buhay sa probinsya siguro hindi naman nila ako pahihirapan at ipapahiya. Ang hirap-hirap na po kasi makumpara kay kuya ( oo pinagdiinan ko yung salitang kuya sa mukha ng kuya para mas intense. Kung uso ang In Your Feelings na dance craze, ito In Your Face ) "
Tapos nun tumayo na ako sa hapag kainan, hindi ko narin tinapos ang pagkain pero bago pa ako makalayo nakita ko ang mga luha na tumutulo sa mata ng nanay.
Bakit ganoon? Pakiramdam ko ako ang kontrabida ngayon sa kwento? Diba sila ang kontrabida kasi sila ang nagpapahirap sa akin sa gawaing bahay bakit parang ako ang masama?
Habang naghahanap ako ng ideya kung ano ang dapat isulat nakita ko ang isang prompt na nakalagay isulat ang pinaka-ayaw mong gawin at dahil dyan nilagay ko sa kwento ang mga bagay na ayaw ko talaga gawin.