Tiniklop niya ang kanyang mga damit at inayos sa kanyang maleta.Simula sa pang araw-araw na kasuotan hanggang sa panglakad ito ay kaniyang inihanda; desidido na syang lumayas sa aming tahanan.
Lagi nyang sambit "Wala na akong kalayaan! Hindi na ako nakakapaglibang!" Habang nagmamaktol dahil sa hindi siya pinayagang lumabas at gumala kasama ang kaniyang barkada.
Pero bakit ko ba siya papayagan kung alam ko naman sa sarili ko na wala itong idudulot na maganda?
Hindi ko parin siya pinansin ngunit alam ko ang kaniyang balak. Nabasa ko ang kaniyang liham na pinagpuyatang gawin kagabi. Ngayon ang araw ng kaniyang pagtatapos sa kolehiyo at ngayon din ang araw na siya ay aalis sa aking puder.Ako ang kontrabida ng buhay nya dahil ako ang laging may huling salita sa loob ng tahanan.
Habang tinitignan ko siya, nakikita ko ang aking sarili, isang sutil at mapusok na bata. Hindi ko nais na maulit ang nakaraan na kung saan ako ay nagkamali, kailangan niyang magtapos ng pag-aaral sa ayaw at sa ayaw niya dahil ito lang ang nakikita kong maari kong ipamana sa kaniya.
Kayad kalabaw ang aking ginawa. Sa umaga, tinig ko'y inyong naririnig at sumisigaw ng taho. Sa tanghali naman, malamig na sorbetes ang aking laku-lako. Sa hapon ay magpapahinga ng kaunti at pagsapit dilim tangan-tangan ko ang basket at maririnig ang aking tinig na umaawit ng balot-penoy bibingka't abnoy.
Gustuhin ko mang pumunta para sa kaniyang pagtatapos, kung hindi naman niya ako inimbita para tumuloy may magagawa ba ako? Ibinigay niya ang imbitasyon sa kaniyang tiya dahil ito ang laging kasundo niya, nakakadurog sa kalooban ngunit akin itong tinanggap. Wala ako sa pinaka importanteng araw ng iyong buhay, hindi ako ang mag-aayos ng iyong toga at aakyat sa entablado habang kinakamayan ka ng mga guro ngunit tama rin siguro, hindi ko rin maririnig ang iyong talumpati dahil baka may hindi ka magandang masabi ukol sa akin. Ikaw pa naman ang naging Magnam Cum Lawde... Magna.. Magam ay hindi ko alam sa totoo lang. No read no write ang tatay mo pasensya na.
Alam kong ayaw mo parin akong makita, pero nais ko talaga.Buti nalang at kaibigan ko ang bantay ng inyong eskwelahan ay sa isang apa ng sorbetes ako ay kaniyang pinayagang makapasok. Hindi naman nila alam na ako ang tatay mo dahil sa tuwing may pa meeting sa eskwela ay hindi ako ang nakaka dalo at ang nandoon ay ang iyong tiya o tiyo. Hindi ko naman maiintindihan ang mga sinasabi nila kaya't sila nalang ang dapat makiharap sa tao.
Saktong pagdating ko, tapos na pala ang iyong talumpati. Nagbibigay na sila ng mga diploma at kumukuha ng larawan at nandun na nga ang iyong mga kaibigan masayang nagtatawanan. Nang nakita kitang nakatoga at masaya ako ay umuwi na.
Ang pamamahinga sa hapon ay pinagpaliban ko na at inilabas ko ang iyong munting maleta. Ako na ang magbibigay pahintulot sa iyo na umalis para hindi ka na mahirapan pa.
Sa iyong pagdating sa ating munting barung-barong, isang mahigpit na yakap ang iyong tugon. Ang dapat na eksena na ating pamamaalam ay nauwi sa isang matagal na iyakan. Nakita mo pala ako sa may balkonahe at doon mo napagtanto lahat ng aking mga sinasabe. Humingi ka rin ng tawad sa iyong mga kasutilan at kalokohan at tayo ay nanatiling masaya atin munting tahanan.
Isa sa mga bagay na hindi natin madalas maipaliwanag ay ang pagmamahal ng ating tatay sa atin. May ibang tatay talaga kontrabida lagi ang papel sa ating buhay. Ngunit kapag napagtagni-tagni mo ang mensahe madalas ay para din ito sa ating ikakabuti. Natural na sa kanila na hindi ganoon ka-showy sa pagpapakita ng pag-aalala sa atin. Dahil sa tingin nila ay ito ay nagpapakita ng kahinaan. Madalas tahimik lang silang nagmamasid sa mga bagay bagay at gumagawa ng aksyon kung talagang kailangan. Pero hindi ko ito nilalahat! Iba't-iba ang paraan ng pagiging ama depende na sa kultura at lugar.
Ayun lamang, medyo nahihirapan akong mag-adjust sa estilo ko ng pagsusulat ngayon. Madalas may mga tugma ang bawat linya na parang tumutula. Hahaha aral pa ng ibang paraan ng pagsulat.