"Ang lakas ng loob mong magreklamo!"
"Masusuklian ba ng grado mo 'yang mga gastusin ko sayo?"
"Kung mangatwiran ka, para kang walang asal!"
"Eh kung h'wag ka na kayang mag-aral?!"
Paulit-ulit.
'Di ko na mawari ang sakit.
Patuloy pa itong nagpupumilit.
Saglit!
Hayaan mo muna akong pumikit.
"Wala ka talagang kwenta!"
"Kung sumagot ka, parang 'di mo 'ko Ina!"
"Ano? Palamunin nalang kita?!"
"Lumayas ka na kaya?!"
Iminulat ko ang aking mga mata.
Maski sa pagpikit ko, naririnig pa rin kita.
Puro na lamang masasakit na salita,
Kailan nga ba 'ko sayo naging tama?
"Hindi nalang sana kita binuhay!"
"'Yang pinagmamalaki mong grado?, wala namang saysay!"
"Aasenso ka ba d'yan sa pagsusulat mo?"
"Ano 'tong mga papel na 'to?!"
"Ibasura mo 'yang ambisyon mo!"
Pinigilan ko ang badyang pagdaloy ng mumunting likido.
Hindi ka pa rin nakukuntento.
Nilait mo na ang pagkatao ko,
Dinamay mo pa ang pangarap ko.
Sa sarili'y napatanong ako,
Wala ba talaga 'kong halaga sa'yo?
Lagi mo na lamang akong ginaganito,
Hindi ko naman piniling mabuhay sa mundo!
Ina!,
Ikaw na siyang dapat saki'y umuunawa,
Naging ikaw lang na sa tagumpay ko'y balewala.
Kaya ko pa bang maging tama?
Hindi ko na napigilan pang lumuha.
Habang nilalakbay ng sakit ang kaibuturan ng aking diwa.
Gusto kong sumigaw, umapuhap ng awa,
Saklolo!, kailangan ko pang maging tama.
Patuloy lang ako sa paglalakad,
Dahan-dahan, banayad.
Nang makarating ako sa huling hakbang,
Itinigil ko na ang pagtanaw sa nakaraan.
Nanatili akong tulala.
Umaagos parin ang luha.
Mas gugustuhin ko pa ang masasakit na salita,
Marinig ang mapangutyang mga kataga,
At malunod sa sarili kong mga luha.
Kaysa masaksihan ka,
... na wala nang hininga.
Ina,
Nilimot ko ang pagkatha,
Isinantabi ko ang aking pantasya,
Nilakbay ko ang abogasya,
Magkaroon lamang ng kwenta.
Ina,
Sosorpresahin pa sana kita.
Pero tila ako ang nasorpresa,
Ina,
Kailangan mo 'tong makita,
Yayakapin pa kita.
Pero bakit, kinalas ka agad sa'kin ng tadhana?
Ina!
Ipagmamalaki mo pa 'ko sa iba,
Pero tila napako ka na sa pagkakahiga.
Ina,
Sasabihin ko pa sa'yong mahal kita,
Na kahit ilang beses mo pa 'kong ikutya,
Respeto ko'y hindi nawala.
Ina, ako'y narito na.
Nakatindig sa harap ng katawan mong hindi na humihinga.
Wala nang iba pang magawa,
Maliban sa pagluha.
Kaya't 'binulong na lamang ang mga katagang...
"Ina, nakaya ko nang maging tama."
—Aireen Joy Marzo