Alak (Alakayo)
Ni: Pusong Sugatan
Maling magmahal ng taong may mahal pang iba
Di ka dapat mahulog sa kanya
lalo na kung alam mong sariwa pa
Wag kang mahulog sa lagkit ng titig niya,
sa natural niyang pag-aalala
dahil sa lahat ng babae, natural lang na ganun siya.
Hindi ka dapat mahulog sa tinig niya
sa tuwing binibigkas niya ng pangalan mo,
sa t'wing inaaya ka niyang kumain,
sa t'wing nagpapasama siyang mag-sigarilyo.
Wag na wag kang kiligin
kapag binibigyan ka niya ng pagkain,
kapag kinakantahan ka niya't sa mata mo'y nakatingin.
Hindi ka dapat matuwa
kapag sinabi niyang "Iba ka!"
Wala lang yun sa kanya, ano ka ba?
Wag kang magpadala.
Wag kang magpadala sa mga tawag,
sa texts, sa chats at video calls.
May kausap din siyang iba,
At yun talaga yung taong gusto niya.
Wag kang umasang manonood kayo ng sine,
kahit pa sinabi niyang, "Manood tayo ng sine, minsan."
Kasi ang sasamahan niya lang,
e yung taong mahal niya.
At alam mong hindi ikaw yun,
simula pa nung una.
Lalong wag kang matuwa
kapag sinabi niyang, "Sino bang buddy... ko? Di'ba, ikaw?"
Dahil sa gabi ka lang niya nakikita,
nawawala ka rin pagsikat ng araw.
Wag mong pansinin ang maliliit na bagay,
Kahit pa, "It's the little things that count."
Dahil sa kanya, wala lang yun.
"It doesn't matter."
Wag mong isiping may kahulugan,
ang pag sabi niya ng "Mahal kita."
Kahit paulit-ulit pa.
Sapagkat, lasing siya nun.
At di alam ang kanyang ginagawa.
Wag kang ma-i-inlove sa kanya
ng dahil lang magkasama kayo araw-araw.
Kasi hindi naman kayo magkakasama balang araw.
Nagkataon lang na nung nasasaktan siya,
andun ka para damayan siya.
Nagkataon lang na nung nasasaktan ka,
andun siya para damayan ka.
Nagkataon lang na andun kayo para sa isa't isa,
pero hindi talaga kayo para sa isa't isa.
Wag kang magmahal ng taong nakilala mo sa inuman.
Sabi nga nila, hindi daw sila pang matagalan.
Kung gaano kabilis dumating, e ganun din katulin mawawala.
Dahil, 'pag may alak, may balak.
At madalas, balak na masama.
Pero iba siya sa'yo.
Nakilala siya ng taong ganito,
pero nakilala mo siyang puro puso.
Nagkagusto ka sa paraan niya ng pagmamahal.
Minahal mo siya dahil totoo siyang magmahal.
Naramdaman mo yung sakit na nararamdaman niya,
pero hindi pala niya nararamdaman na nasasaktan ka na.
Hindi ka dapat magmahal ng taong
kailangan ka lang kapag siya'y nag-iisa,
kakausapin ka lang pag wala ng iba,
mahal ka lang kapag nakainom siya.
Madaling magmahal ng taong totoong magmahal,
pero masakit magmahal ng taong iba ang totoong minamahal.
Di ka dapat mahulog sa kanya,
Lalo na kung siya na ang gumagawa ng paraan para lumayo ka.
Maling magmahal ng taong hindi totoo sa sarili niya.
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit