Pamilyar tayong lahat sa kasabihang "Ang larawan ay nakapipinta ng isanlibong mga salita." Kung hindi mo alam iyon, hanapin mo ang kanta ng "Bread" na pinamagatang "If." Doon ko iyon unang narinig. At namangha ako sa linyang iyon dahil napakatotoo nito. Ngunit ako'y nalungkot dahil noong nagsabog ng talento sa pagpipinta, ako yata'y nakatulog o kung hindi man ay hindi yata ako nasabihan.
Nalungkot ako sapagkat maraming mga larawan sa isip ko na napakaganda sana kung maipakikita ko sa mundo. Ang mga alaala ng dati naming tahanan, ang mga halaman sa magkabilang dako ng aming tarangkahan, ang likuran nito na ginawa naming munting pisara kapag naglalaro kami ng titser-titser-an. Mangyari kasi ay nasalanta ng ilang bagyo ang mga photo album namin noon kaya walang natirang alaala sa akin kundi iyon na lamang mga nakatago sa kaibuturan ng aking gunita.
Pero habang nagkaka-edad ako ay napagtanto ko na pwede ring baligtarin ang kasabihang iyon. Maaari rin na makapagpinta tayo ng larawan gamit ang mga salita! Unti-unti ay nabuhayan ako ng loob. Maaari ko nang maibahagi ang mga magagandang tanawin na nilalaman ng aking isipan kahit na hindi ako marunong gumamit ng pinsel at canvass!
Pero paano nga ba magpinta ng larawan gamit ang mga salita lamang?
Maaari kang gumamit ng mga pang-uri. Ito ang unang papasok sa isip mo kapag maglalarawan ka ng isang bagay. Ang pang-uri o adjective sa ingles ay nagbibigay ng paglalarawan sa pangngalan (noun) o panghalip (pronoun).
Halimbawa:
Sapatos
Maaari mong ilarawan ito nang simple lang:
- Itim na sapatos.
Pwede mo rin namang dugtungan nang bahagya:
- Itim na sapatos na may kalumaan na.
Pwede mo pa rin palawigin ang paglalarawan sa salita sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang detalye nito.
- Isinuot niya ang paborito niyang itim na sapatos kahit ito'y halatang may kalumaan na sa mga nababakbak nitong disenyo at mga maliliit na bitak sa suwelas nito.
Hindi lamang mga bagay, tao, hayop, o lugar ang pwede mong ilarawan. Pati mga aksyon ay pwede mo ring bigyan ng depinisyon kung paano, kailan o saan ginawa. Ang tawag sa salitang ginagamit dito ay pang-abay o adverb sa wikang ingles.
Halimbawa:
Tumakbo
Unahin nating ilarawan kung paano siya tumakbo.
- Tumakbo nang matulin.
Pwede rin idagdag kung saan siya tumakbo o pupunta.
- Matulin siyang tumakbo patungo sa masikip na eskinita.
Kung gusto mo ng mas detalyadong deskripsiyon ay ilagay mo na rin kung kailan niya iyon ginawa.
- Kahit na tirik ang araw ay matulin siyang tumakbo papunta sa masikip at mabahong eskinita.
Hindi ba't kay ganda nang basahin kapag may mga deskripsyon? Pero hindi pa natatapos doon ang lahat. May isa pang maaari mong magamit sa paglalarawan. Ito ang pinakamabulaklak sa lahat, ang tayutay. Karamihan ng mga manunula ay gamit na gamit ito dahil talaga namang mapapaisip ka sa pagkakalarawan nila. Ang tayutay o figures of speech ay mga matatalinhagang salita.
Maraming mga uri ng tayutay. Nariyan ang mga paghahambing na tayutay tulad ng simili at metapora na siyang pinakamadalas na ginagamit. Mayroon ding paglalarawan katulad ng eksaherasyon, na siya ring madalas magamit lalo na ng aking ina. At marami pang iba na maaaring magamit.
Halimbawa:
Hingal kabayo.
Usad pagong.
Parang langit.
Parang asong ulul.
Kung tayo ay hindi gagamit ng kahit na anong salitang panglarawan, ganito ang ating kuwento:
- Tumakbo siya papunta sa eskinita. Doon siya madalas na nagtatago kapag habulan. Hinihingal pa siya nang abutan ng mga tao. Galiy na galit ang mga ito at siya ay binugbog.
Ngayon, lumikha tayo ng eksena ayon sa ating halimbawa gamit ang mga panglarawang salita.
- Kahit tirik na tirik ang araw ay buong tulin siyang tumakbo papunta sa maliit at mabahong eskenita na siyang lagi niyang pinagkukublihan sa mga pagkakataong tulad nito. Napangiti siya sapagkat kahit luma na at sira-sira ang mga disenyo sa kaniyang paboritong itim na sapatos ay hindi pa siya nito binibigo. Ngunit iba ang ang plano ng tadhana sa kaniya ngayon. Hingal-kabayo siya nang siya ay inabutan ng mga galit na galit na taong bayan na parang mga asong ulul na gusto siyang saktan sa mismong mabahong eskinitang itinuring niya nang kaniyang tanggulan.
Mas mabulaklak at mas magandang basahin kung tayo ay may mga gagamiting panglarawan. Madadala natin ang ating mga mambabasa sa mismong eksena at mararamdaman nila kung ano ang gusto nating ipadama.
Sana ay makatulong ito sa iyong malikhaing pagsusulat.
Hanggang sa muli!
Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan
Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord
haha grabe madam, para akong nag-aaral sa Filipino, ayokong mag-aral nito pero binasa ko lahat habang nakangiti dahil ako ay namangha. Hindi ko mawari't parang bituin ang bawat salita, ito ay kumikislap habang aking binabasa. o may tayutay na ba doon o pang-uri? Di ako sigurado
haha
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Pang-abay at tayutay. Haha. Mahusay @mrnightmare89. Handa ka na para sa patimpalak! Hahaha
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit