Maria, Ikaw Ba'y Tunay na Malaya?

in tagalogtrail •  6 years ago  (edited)

image

May angking talino. May angking talento. Mahinhin. Mayumi. Maganda mula sa loob hanggang sa labas. Maraming angking yaman. Kahali-halina. Iyan si Maria. Marami ang naaakit at nahuhumaling sa kaniya.

May mga nagtangkang umangkin sa kaniya. Ipinakita niya ang kaniyang angking tapang. Lumaban siya ngunit sadyang malakas ang kanilang puwersa. Siya ay sinalaula. Inalipin at inalipusta. Matagal siyang nagdusa. Nagtiis at nanalanging sana ay makalaya. Ngunit matapos ng kaniyang kalayaan siya ay muli na namang ikinulong at iginapos. Sunod sunod na pang-aabuso, pang-aangkin at pang-aalipin.

Ngunit si Maria ay sadyang malakas sa likod ng kaniyang kabaitan. Nakayanan niyang makaalpas. Nakayanan niya ang lahat ng pagdurusa. Nakayanan niya ang lahat ng latay, pagod at hirap.

Naipakita niya sa lahat na kaya niyang mamuhay nang mag-isa. Na kaya niyang tumayo sa sarili niyang paa. Na kaya niya kahit walang tulong ng iba.

Kaya niya nga ba? Sa paglipas ng panahon ay unti unti siyang nalango. Nahumaling sa mga bagay na nakita niya sa iba. Unti unti siyang nanamit na parang hindi siya. Mula ulo hanggang paa, halos napalitan na siya. Naakit siya sa mga panunuyo. Sa mga regalo. Sa mga pang-uuto.

Pinapaniwala siyang malaya siya ngunit ang totoo ay bihag pa rin siya. Bilanggo ng rehas na hindi nakikita. Ng gapos na nagbabalatkayo bilang mga malarosas na pangako. Ang tinik nito ay unti-unting bumabaon sa kaniyang buong pagkatao. Ngunit hindi niya ito namamalayan.

Dahil abala siya. Mahirap ang buhay. Kailangan niyang kumayod. Nananatili siyang alipin ng iba. Binabayaran siya, ngunit wala pa ring ipinagkaiba.

Unti unti ay inaangkin siyang muli. Hindi na idinadaan sa dahas dahil sukat na nilang lahat ang kanyang tapang. Pero alam pa rin nila na mayroon siyang kahinaan.

Hindi niya na alam kung sino siya. Kung ano ba talaga ang mayroon siya. Kung ano ba talaga ang totoong kakayanan niya. Kung ano ba talaga ang kanyang halaga. O nakalimutan niya na.

At ngayon, ang tanging bagay na masasabi niyang kaniya ay unti unti na namang iwinawaksi sa kaniya. Paunti unti. Dahil alam nilang hindi sila uubra sa biglaan. Babawas lang sila ng pabaha-bahagya. Lalapit sa kaniya nang paisa-isang hakbang. Hanggang sa hindi na namamalayan ni Maria na naangkin na naman pala siya.

Kalunos-lunos ang kaniyang kahihinatnan. Kaniya itong nalalaman. Pero parang tila wala na siyang pakialam. Kung dahil nalason na ba nang husto ang kaniyang isipan o dahil pagod na siyang lumaban, walang nakakaalam.

Sana ay magising siya. Sana ay makabangon siya. Habang hindi pa huli ang lahat.

Siya si Maria. May angking talino. May angking talento. Mahinhin. Mayumi. Maganda mula sa loob hanggang sa labas. Maraming angking yaman. Kahali-halina. Marami ang naaakit at nahuhumaling sa kaniya.

Isa na lang ang kulang sa kaniya. Ang maging tunay na malaya.

♥.•:¨¨:•.♥.•::•.♥.•:¨¨*:•.♥

♥.•:¨Maraming salamat sa pagbabasa!¨:•.♥

»»-------------¤-------------««

Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan

»»-------------¤-------------««

Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord

»»-------------¤-------------««

image

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

napakanta ako ng Magdalena matapos ko basahin ang kalunos-lunos na sinapit ni Maria.
"Magdalenaaaaah... ikaw ay Mariang~" 😂

Huuuy! Umayos ka! Hahaha