Katinig na Da o Ra

in baybayin •  6 years ago  (edited)

Ang "DA" sa Baybayin na may sariling anyo ay nagbabago ang tunog sa paggamit at pagsulat ng mga Tagalog. Ang /Da/ ay nagiging "RA" sa ilang mga salita sa Tagalog ngunit hindi nagbabago ang anyo nito sa Baybayin.

Ang "DA" ay mukhang dalawang baliktad na tilde [~] na magkapatong. Tignan ang tsart sa ibaba:


PAGGAMIT NG "DA" o "RA" SA SALITA

Sa Tagalog, ang /Da/ ay nagiging /Ra/ kapag patinig ang nauuna sa salita ngunit depende sa gumagamit nito. Mga halimbawa: dunong = runong, maganda = magara, madami = marami, atbp. Pag-aralang mabuti ang anyo sa Baybayin ng mga salitang Tagalog na ito:


Magkaparehas ba ang pagkasulat sa Baybayin? Oo, dahil ang simbolo ng /Da/ sa Baybayin ay ginagamit din bilang /Ra/.

PAGPAPALIT NG "DA" TUNGO SA "RA"

Ang ilan sa mga salitang Tagalog na kapag ginagamit ay maaaring mapalitan ang /Da/ ng /Ra/:

  • daw = raw
  • din = rin
  • dito = rito
  • nandito = narito
  • doon = roon
  • nandoon = naroon
  • dinig = rinig
  • nadinig = narinig
  • nadidinig = naririnig
  • nadadama = nadarama
  • dami = rami
  • madami = marami
  • dumadami = dumarami
  • dunong = runong
  • madunong = marunong
  • kadagatan = karagatan
  • dumadagsa = dumaragsa
  • madadagdagan = madaragdagan
  • maganda = magara
  • dumi = rumi
  • madumi = marumi
  • tawidan = tawiran

SA "DAW/RAW" AT "DIN/RIN"

Sa mga pang-abay na "daw" o "raw" at "din" o "rin" ay may nakagawian ding paraan ng paggamit.

Ang mga pang-abay na "raw" at "rin" ay ginagamit kapag ang naunang salita ay nagtatapos sa patinig.

Mga halimbawa:

  • Ako raw
  • Ako rin
  • Siya raw
  • Siya rin
  • Babae raw
  • Babae rin
  • Lalaki raw
  • Lalaki rin

Ang mga pang-abay na "daw" at "din" ay ginagamit kapag ang naunang salita ay nagtatapos sa katinig.

Mga halimbawa:

  • Ikaw daw
  • Ikaw din
  • Doon daw
  • Doon din

Ang mga salitang may -ra o -ri sa hulihan nito ay hindi ginagamitan ng "rin" at "raw":

Halimbawa:

  • Magara daw
  • Magara din
  • Kadiri daw
  • Kadiri din

Sa pagsulat sa Baybayin, tandaan na ang /Da/ at /Ra/ ay may iisang simbolo para sa napapalitang mga salitang Tagalog. Sa modernisasyon naman ng Baybayin /Da/ ay may mga mapapansing kaunting pagkakaiba pero ang mga iyon ay mungkahi lamang.




Sumali sa aming diskusyon sa Facebook:

Baybayin Foundry
BAYBAYIN: B17 Ang Tunay na Baybayin
Sulong Baybayin Abril 21 #SBA21

Sulong Baybayin!
Mabuhay ang Baybayinista!

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!