Spoken Poetry - Kapag ni Carlo Dee

in filipino •  7 years ago  (edited)

Sa ngayon, ordinaryong tula pa lamang ito pero isa talaga itong spoken poetry. Nahihiya lang talaga akong mag-record. Sana magustuhan niyo.

KAPAG

Kapag hindi na ako pilay, lalakad na ako.
Lalakad na ako palayo sa iyo.
Malayong-malayo at hindi na kailan man lalapit.
Hindi ko na idadahilan itong pobreng pagmamahal para manatiling... nakakapit;
hindi na mananatiling nakahawak sa ‘yo.
Titigil na ako sa pag-asang balang-araw ay aakayin mo ako.
Kaya lalayo ako hanggang sa puntong ang tadhana'y imposible nang pumitik.
Lalayo ako kapag ang buto nitong puso ko ay muling magdikit.
Kapag naghilom na ang sugat sa talampakan.
Kapag ang paghilom ay dumating na sa hangganan.
Kapag ang hiwa ay isa na lamang peklat ng kahapon.
Kapag ang lahat ay sa akin na umayon.
Lalakad na ako, palayo sa iyo.
Kapag hindi na pilay itong puso ko na 'to.

Kapag hindi na ako gutom, hindi na mamimilipit.
Hindi na kakainin ang sariling pag-ibig.
Hindi na tutunganga sa'yo...
na parang aso...
nagbabaka-sakali na bigla kang bumato...
kahit tinapay ng pag-ibig na hinati mo sa walo...
pero ang walo ay wala maliban sa tinik ng katotohanang pilit na sumisiksik sa aking sikmurang namimilipit.
Kumakalam man itong puso ko.
Kumukulog at nagbabadya ng bagyo.
Magtitiis ako.
Magtitiis hanggang may magpakain nang walang limitasyon.
Hindi man responsibilid na pakain ako ng iba ay karapatan ko namang makatikim ng ambon.
Karapatan kong makatanggap.
Kaya kapag... hindi na ako gutom.
Asahan mo, hindi na ako maghihintay sa iyong pagtugon.

Kapag hindi na ako baliw, magiging totoo na.
Hindi na magiging peke ang ngiti ng pagsinta.
Hindi na ako magpapanggap na masaya.
Hindi na tatawa kahit masakit naman talaga.
Hindi na ako magpapakatanga.
Hindi na magpapakabuang itong isip kong walang...
ibang inisip kundi ang pagmamahal mo...
na sana kahit paano...
ay mabahagian man lang.
Sa ngayon, wala pa ako sa sariling katinuan pero malapit na.
Makakalaya na itong puso ko sa mental na problema.
Nakulong sa kahon na likha lamang ng pagdurusa.
Sa kaiisip ko sa mukha mo't pagsinta ay nasira ang mekanismo, natanggalan ng turnilyo.
Lumuwag at nahanginan.
Umiiyak, tumatawa habang isinisigaw ang iyong pangalan.
Baliw na ako.
Pero kapag hindi na ako buang, makakalaya na ako sa ospital na likha mo.
Kalilimutan kita, kapag hindi na ikaw ang kinababaliwan ko.

Kapag hindi na bulag, makakakita na ako—
makikita na muli ang bahaghari ng mundo.
Masisilayan ang ibang taong nakamasid, mga taong nag-aalala sa tulad ko.
Mahirap mabulagan ng puso.
Ang pagluha'y hindi mapipigilan sa pagtulo.
Mapapakagat-labi na lang...
hanggang...
magdugo ang nguso.
Mahirap mabulagan ng pakiramdam.
Bulag na tanging isa lang ang makikita't mararamdaman.
Masasaktan ka na lang habang hinihintay ang pagtinging inaasam.
Mahirap mawalan ng liwanag.
Hindi makita ang daan, kung lubak ba o patag.
Iniwan mo akong nakasalampak sa lapag, luha'y umaagos mula sa puso kong bulag.
Iniwan mo akong nangangapa sa dilim.
Pilit na ginagamit ang ilaw nitong puso kong daig pa ang sakim... na ang tanging nais lang ay maging akin ka.
Pero, ang tanging naging akin ay tungkod na umaalalay para hindi madapa.
Natuluyan na kasi—natuluyan na at walang matanaw.
Nagsisising nagpakabulag sa 'yo.
Nagpakatanga, at umaasang titingnan mo.
Pero, naniniwala pa rin akong gagaling at muling may makikita.
Liligaya.
Kapag hindi na ako bulag, makikita ko na ang tamang pag-asa.
Kalilimutan kita.

Para lang malinaw, ang ako ay nangangahulugan sa puso at ang puso ay ako.
Kaya kapag hindi na ako nasasaktan nang sobra, sisigla na muli ang puso na 'to.


Ang tula na ito ay nauna kong nailathala sa aking Facebook Account: Carlo Dandan
At para naman sa iba ko pang tula at kalokohan, puntahan ang Notes Section ng aking account dito: Carlo Dandan's Notes
Siguraduhing naka-web kayo para madali niyong makita. Salamat.

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!