"Ang Aming Mama"

in kwentong-nanay •  7 years ago 

11133743_673794682765098_8623638181932887988_n.jpg

Paano nga ba natin malalaman na mabuti ang isang INA? Ito ang aking Mama. Si Mama Bhe kung siya ay tawagin sa amin ng karamihan nang mga batang kapitbahay namin, mga pamangkin at nang kanyang mga apo. Mayroon din akong mga Kapatid pa bukod sa aking bunsong kapatid na lalaki. Ang mga kapatid kong ito ay hindi anak ng aking Mama, oo, hindi sila anak Ni Mama, sila ay naging mga anak Ni Tatay sa una niyang naging asawa. Tatlo silang Babae na pawang mga dalagita na nung mga panahong iyon. Tinanggap iyon ng aking Mama. Dahil mahal niya Si Tatay, ginawa niya ang lahat para rito.
Noong bata pa ako, nasaksihan ko ang ilang pagkakataon na ang aking mga magulang ay hindi perpekto. Oo, hindi perpekto. Maraming away ang nagaganap sa pagitan nila noon. Dumating pa sa punta nung ako'y nasa 4 na grado sa aming paaralan, na kami ay umalis nila Mama kasama ang bunso kong kapatid na lalaki ngunit hindi ang aking Tatay. Bitbit ko ang aking dalahin na puno ng aming mga damit upang lumayo kay Tatay. Umuwi kami sa mga Ni Mama sa Quezon Province. Nakaka-ikatlong araw pa lamang kami noon sa Lolo't Lola ko, dumating Si Tatay ng madaling araw sa bahay. Nagulat kami na may kahalong kasiyahan. Sinusundo kami Ni Tatay, pinauuwi na niya kami nila Mama. Humingi ng tawad kay Mama ganun din sa mga magulang Ni Mama. Muli, umuwi kami sa amin. Ayos na ulet ang lahat. Ngunit ganun pa rin, paulit-ulit, away dito, away don... Nakakasawa... Lalabas na lamang ako upang maglaro at hindi ko marinig ang kanilang bangayan. Ngunit babalik din ako makaraan ang ilang sandali, dahil hindi ko matiis Si Mama. Umiiyak siya, umiiyak siya ng parang wala na siyang pag-asa na nakikita ko sa kanyang mga mata. Gusto na daw niya sumuko. Tangi ko lamang nagawa ay ang yakapin siya. Ipadama na nauunawaan ko siya at ang mga nangyayari kahit pa musmos ang aking isipan ng mga panahon na iyon. Seloso kasi ang Tatay ko, madaling magalit sa maliliit na bagay.
Ngunit nagbabago rin ang tao. Nagbago Si Tatay na labis na ikinatuwa ng aking Mama. Nasaksihan ko rin iyong sa aking Tatay noong ako'y nasa ika-6 na grado at ang mga ate ko ay may kaniya-kaniya nang mga pamilya. Hindi na sila palaging nag-aaway ngunit ng panahon na iyon, sobrang hirap, nawalan ng trabaho Si Tatay. Na labis namang ikinabahala Ni Mama para sa amin lalo na sa pang-araw-araw na gastusin ganun din sa eskwelahan. Hindi nagpatinag ang Mama ko, matatag siya sa mga problema. Nag-isip siya, paano niya matutulungan ang aking Tatay. Wala siyang puhunan, kakilala niya ang may ari ng pagawaan ng Buko pie at Espasol sa kapitbahay namin sa Laguna. Nakiusap siya rito na kung maaari ay magbenta siya ng Buko pie at Espasol at pag-uwi na lamang niya iaabot ang kabayaran dito ng kaniyang mapapagbentahan.
Madaling araw pa lamang gayak na ang aking Mama, luluwas siya sa Maynila upang doon mag-alok ng kaniyang mga paninda. Maraming kakilala Si Mama sa Maynila, parehas sila Ni Tatay dahil tumira rin kami dati doon sa bandang Pasay. Bago tuluyang sumapit ang gabi, nasa bahay na si Mama, dala ang kaniyang kinita sa maghapon, pago na pagod ngunit mababakas ang kasiyahan sa kaniyang mukha. Ararw-araw na raw niya itong gagawin para sa amin. Ang Tatay ko ang nasa bahay at ang Mama ko ang naghahanap buhay ng mga panahong iyon. Kami ay nag-aaral ng aking kapatid, Si Tatay ang nag-aasikaso sa amin. Tuwing uuwi ang Mama ko masaya siya dahil nabibilhan niya kami ng mga damit, ako, kapatid ko at Si Tatay. Madalas hinahanap ko ung para sa kaniya ngunit hindi na daw niya kailangan ng mga ito. Sa amin na lamang daw. Mas masaya daw siya kapag kami ang mga may bagong kagamitan.
Dumating na ko sa panahon na marunong na ako magdesisyon pero ayaw nila Mama. Dahil huminto ako sa aking pag-aaral mula sa ikalawang antas sa Kolehiyo. Sinabi ko na kailangan ko na rin tumulong sa kanila. Maninirahan ako sa aking Ate sa Maynila upang doon makahanap ng trabaho. Wala silang nagawa. Lumuwas ako ng Maynila mabigat man sa kanilang kalooban. Naghanap ng trabaho. Nasumpong ako ng trabaho sa isang malaking kaninan sa Pasay. Natanggap ako, nag-umpisa sa trabaho. Nagkaroon ng mga kakilala, ang ilan sa kanila ay naging sanhi pa upang magawa ko ang mga bagay na hindi ko ginagawa noon. At nangyari rin ang ikinababahala ng aking mga magulang.
Isang araw, bago ako pumasok sa aking trabaho, ang aking Mama ay tumatawag sa aking telepono. "Anak, ano itong sinasabi ng ate mo na may nobyo ka raw?" tanong niya agad nung aking sinagot ang aking telepono. Hindi ako nakaimik, hindi s tanong Ni Mama kundi sa naririnig kong pag-iyak niya. Oo umiiyak siya dahil may nobyo na ako. Na hindi lamang iyon ang nakarating sa kanila. May nobyo ako na may nakaraan. Sa madaling salita may anak siya sa pagkabinata. Galit na galit ang aking mga magulang. Lumuwas sila ng Maynila para ako'y kuhanin at iuwi sa Laguna. Pero di ko pa rin sila sinunod, mahal ko ang nobyo ko, ipinakita ko sa kanila kung gaano ako katigas para magpasya sa aking sarili. Umalis ako sa aking tirahan. Nagsama kami ng aking nobyo. Kinausap ako ng Mama ko,"anak paano mo nagawa sa amin 'to? Ang tanging hangad lamang namin ay mapabuti ka, natatakot ako para sa'yo dahil ang nangyari sa akin ay nangyari rin sayo" sabi ng Mama ko.
Natatakot Si Mama s sitwasyon ko na baka mahirapan din ako tulad ng paghihirap niya sa mga Ate ko na anak Ni Tatay sa una niyang naging asawa. Dahil dumating Si Mama sa punto na nakatikim siya ng masasakit na salita mula sa mga Ate ko, palagi silang nag-aaway. At dahil Ina, inunawa niya, baka sadyang ganyan lamang ang buhay pasasaan ba't magiging ayos din ang lahat. Nauunawaan ko Si Mama.
Sa kasalukuyang panahon natin, ang Mama ko at Tatay ko, nakasuporta sa lahat ng aming mga desisyon sa buhay. Nagpapa-alala, nagbibigay ng opinyon sa mga bagay na hindi kami sigurado, minamahal kami at inaalagaan kahit kami ay magkakalayo. Si Mama, si Mama ung kinilalang Nanay ng mga Ate ko, Si Mama yung naging takbuhan nila sa panahon na nangangailangan sila ng tulong, Si Mama yung palaging tinatawag kapag may mga kailangan silang pasamahan. Si Mama lahat... Lahat kami ay may kaniya-kaniyang Pamilya, nakatuluyan ko ung nobyo ko na may anak at nasa akin ang batang yon, narito siya sa amin dahil marami na rin silang magkakapatid. Tinanggap na rin nila Mama ang aking sitwasyon, sila Ni Tatay. Lahat ng mga pagkakamali namin tinanggap nila. Simula sa panganay kong kapatid hanggang sa aming bunso. Lahat kami ay sinusuportahan kami.
Si Mama na aming takbuhan, Si Mama na tanging kinakausap namin sa panahon ng mga problema namin. Mas Si Mama pa rin ang kakwentuhan kaysa kay Tatay dahil na rin siguro sa nahihiya kami kay Tatay lalo na kapag ang usapan ay pangbabae lamang. Si Mama naging kasangga namin sa lahat. Si Mama lahat ang nag-iisip kung ano ba ung dapat na gawin kapag may problema kami saka niya sasabihin kay Tatay, depende pa sa sitwasyon dahil di niya ipinararating kay Tatay ang problema kapag alam niya na ikagagalit nito. Si Mama ang sabihan namin ng sikreto. Sa lahat ng sakripisyo Ni Mama at sa lahat ng ginawa niya para sa amin sobrang saludo ako sa kaniya. Pinalaki kami na parang sa iisang Ina nanggaling. Tinanggap niya ang mga Ate ko ng buong puso niya. Inalagaan at inaruga. Mula sa amin hanggang sa mga apo niya, sila Ni Tatay. Kaya naman ang tanging dasal ko para sa kaniya ganun din kay Tatay ay magkaroon ng malakas na pangangatawan at huwag magkaroon ng mga sakit. Nagpapasalamat ako at siya ang aking naging Mama, hindi madaling sumuko at napakatapang, pinaglalaban niya kapag alam niyang nasa tama siya. Sa dami ng pagsubok sa buhay niya, nararapat lamang na siya ay tawaging "MABUTING INA" para sa aming magkakapatid. Siya ang natatangi namin Ilaw ng Tahanan. Maraming salamat sa lahat Mama! Maligayang araw ng mga Ina sa lahat lalo na sa aking Mama! Mahal na mahal ka namin Mama!

Maraming Salamat po sa mga nagbasa!

♥♥♥ MOMtrepreneur ♥♥♥

31081406_1359416940869532_8200350933352185856_n.png

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

nakakatuwa mag basa ng mga messages patunkol sa ina nakaka move ng damdamin. :D

Kahapon ko pa nabasa ito di ko na nacommentan nga lang. Grabe ang sakripisyo ni Nanay.

Napalaki niya kayong mahusay!

Ayan ang isa sa mga magagandang maaring sabihin ng isang tao sa nanay na lubhang magpapaluha sa kanilang mata. Ang masabi ng ibang tao na tama ang naging pagpapalaki sa kanilang mga anak.

Entry accepted po :)

Tunay nga na magigiting ang ating mga ina :)