Ang aking wonder nanay

in kwentong-nanay •  6 years ago  (edited)

FB_IMG_1525687532636.jpg

Tunay na wonder nanay ang bawat ina dahil kaya nilang gawin ang maraming bagay ng sabay-sabay. Sila ay malakas, matapang at maraming nalalaman. Ang pagiging ina ang pinakamahirap na trabaho sa buong mundo dahil ang serbisyo nila ay 24/7, walang araw ng pahinga, bawal mag leave at lalong hindi tinatanggap ang resignation dahil ito ay panghabang buhay na kontrata. Mula ng mabuo ang supling sa sinapupunan niya ay nag-uumpisa na ang kontrata.

Hayaan niyo akong ibahagi ko sa inyo kung paano naging wonder nanay ang aking butihing ina sa aming buhay sa kabila ng napakaraming pagsubok.


Sa edad na 20 isinilang ako ng aking ina na kahit minsan daw ay hindi niya pinagsisihan. Mahal na mahal niya ang aking ama kaya siguro ganun na lamang pagmamahal niya sa akin. Bawat masayang kwento ay mas masamang mapait at masakit na karanasan.


Umuwi ang aking ina sa aming Lolo at Lola sa probinsiya kaya sobrang saya nila. Tila nabuhay ang pangarap ni Lola na makapagtapos ang aking ina sa kolehiyo dahil sa pag uwi nito , banda na rin sila para sa pang matrikula niya. Nag-iba ang timpla ni Lola ng sa pag-uwi niya na may kasamang lalaki. Lingid sa kaalaman nila na kaya umuwi si mama ay dahil ipapaalam nila na limang buwan na ako sa sinapupunan ni mama. Nahimatay si Lola dahil dito.

Ayaw niya kay papa. Iba ang gusto niya na mapangasawa ni mama. Noon kasi sa panahon ng nanay ko buhay pa rin ang tradisyon na magulang ang pipili ng mapapangasawa ng anak. Buti na lamang at hindi sumunod si mama dahil kung oo ay wala ako ngayon sa mundo.

Lumipas ang ilang buwan ay unti-unti ring natanggap ng Lola si Papa hanggang sa naging dalawa na kami. Isinilang ang aking kapatid na lalaki isang buwan bago ako mag-isang taon. Galing no? Ang bilis! Dalawa na kami agad. Nagdesisyon na silang magpakasal at pumayag naman na si Lola. Namanhikan ang angkan ni papa marami sila noon kahit na taga ibang lugar pa sila galing. Napagkasunduan na ang detalye , petsa at iba pang kailangan para sa kasal.

Tatlong-araw bago ang kasal ay nag-uumpisa ng ayusin ang magiging lugar para sa handaan, ito ay yari sa dahon ng mga niyog kahoy at anahaw. Tulungan sa probinsya tuwing may kamag-anak na ikakasal. Sa aming lugar sa Guinobatan, Albay tatlong araw ang pagdiriwang ng kasal. Ante-bisperas ang ikalawang araw bago ang kasal (hindi ko alam kung May uncle bisperas din), bisperas ang araw hago ang kasal at syempre ang mismong araw ng kasal.

Madalas nagkakatay ng mga baboy at manok tuwing may kasal, binyag, pista o unang kaarawan sa probinsya. Ang banda sa ante-bisperas ay madalas dinuguan pa lamang ang ulam sa gabi. Kinabukasan ay mayroon ng mga kakanin, minsan adobo o bikol express at mga gulay. Sa gabi hago ang kasal ay sumasayaw ang ikakasal ng Pantomina (Philippine Folk Dance for Weddings) kung saan ay hinahagisan sila ng barya at dinidikitan ng perang papel ang damit nila . Ngunit madalas ang iba ay pagkatapos ng kasal ito ginagawa sa harap ng maraming panauhin.

Sa mismong araw ng kasal naroon na ang lechon, iba't ibang putahe ng baboy at manok, nariyan din ang mga lutong matamis na madalas ay dala ng ibang panauhin bilang handog sa kasal. Marami din nagbibigay ng mga gamit para sa bagong kasal at maging mga pera bilang pang-umpisa nila sa pagpapamilya.

Ang lahat ng yan ay parang isang bula na pumutok sa isang idlap nawala. Umalis si papa, iniwan niya si mama sa ere. Hindi dahil ayaw niya na o dahil takot siya sa obligasyon kundi dahil nag-away sila ni Lola at takot si mama na humiwalay kay Lola. Sa madaling sabi hindi din siya ipinaglaban ni mama. Kaya bes kung mahal mo ipaglaban mo!

Bulung-lungan dito , tsismis doon at pangungutya ang naranasan ng aking ina. Mayroon pang nagsusulsol sa kaniya na ibigay kami sa aming ama o kaya ay humingi ng sustento. Nakakabaliw ang nangyari s kaniya na siguro kung sa akin nangyaro ay hindi na ako lalabas ng bahay. Mahal niya daw si papa pero mas mahal niya kami kaya kailangan magpatuloy ng buhay. Malakas siya sa harap ng marami pero madalas siya umiyak kapag mag-isa siya. Hindi naging madali ang lahat ngunit kinaya niya.

Nagbanat siya ng buto malayo sa amin , tanging larawan namin ang kapiling niya. Puro siya overtime sa trabaho na kahit pala inaapoy siya ng lagnat ay nagtatrabaho pa rin para huwag kaming magkulang. Ilang taon siyang ganun na akala ng lahat ay masarap ang buhay niya dahil libre daw siya sa pag-aalaga sa amin. Hindi nila alam ang naranasan ng ina ko na maging ako ay minsan ding nagalit sa kaniya dahil naniwala ako sa iba. Hanggang isang araw bigla kaming nawalan ng balita sa kaniya. Nasaan na si Mama?

Dalawang taon ang lumipas na hindi namin siya nakita. Pagbalik niya doon nasiwalat ang lahat sa amin. Hindi naman siya nagliwaliw ng dalawang taon dahil nagkasakit siya ng malubha na halos ikamatay niya ngunit pinilit niya pa rin kumayod at palihim na nag-aabot ng pangkain namin sa aking tita(bunsong kapatid niya). Maging ako ay nagtanim ng sama ng loob sa kaniya pero hindi siya sumuko sa amin. Pinakita niya na mahal na mahal niya kami kahit binabalewala namin siya.

Noong tumira na ako sa kanya doon ko siya naunawaan, doon ko nakita lahat ng sakripisyo niya sa amin. Pinapadalhan niya kami ng pambili ng masarap na ulam peo siya ang ulam niya puro de lata at instant noodles. Tapos kami may magagandang damit samamtalang sa kaniya may sira-sira na madalas tinatahian niya lang para di halata. Sobrang hiyang-hiya ako sa sarili ko na hindi ko siya inunawa kung bakit halos wala siyang oras samin. Ginawa niya yun dahil gusto na magkaron kami ng maayos na buhay.

Tumigil siya sa trabaho nung magbuntis siyang mula sa aking pang limang kapatid ngunit hindi siya humintong kumayod. Nagluto siya ng mani na nilalako niya sa tindahan at nagre-repacked ng mga chicharon o kaya ay fish crakers. Tinutulungan din namin siya ngunit ayaw niya dahil gusto niya focus kami sa pag-aaral. Hanggang mag-kolehiyo na ako tuloy tuloy pa rin siya kahit nga kakapanganak pa lang niya. Sobrang nadudurog ang puso ko sa tuwing tinititigan ko si mama kapag tulog siya. Bakas sa mukha niya ang pagod at hirap ngunit sa tuwing gigising siya ay nagagawa pa rin niyang ngumiti.

Ang natutunan ko kay mama ay yung "kung naghihirap ka ngayon huwag kang sumuko o mawalan ng pag-asa dahil hindi habang buhay maghihirap ka basta gumawa ka lang ng paraan para makaahon ka" . Pahalagahan natin ang ating mga nanay lalo na kung naging ama't ina sila sa inyo. Hangang-hanga ako kay mama dahil kaya niyang gawin halos lahat-lahat para sa amin. Oo, hindi siya perpekto pero sobrang mapagmahal siya at mayroon siyang busilak na puso. Lumipas man ang ganda niya ngunit kailanman ay hindi lilipas ang kabutihan ng kaniyang puso.

Happy Mother's Day Ma!
Salamat sa walang hanggang pagmamahal.


Hindi man sa materyal na bagay, sa ating mga ina ay sapat ng iparamdam natin na mahalaga at mahal natin sila. Happy mother's day sa lahat ng mga ka-steemian nating mga nanay, mama, mommy, mudra, ermats o kahit ano pang tawag sa'yo.


Upvote. Resteem. Follow.
PicsArt_03-17-04.14.45.jpg

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!