Ang aming DAKILANG ilaw ng tahanan

in kwentong-nanay •  7 years ago 

Ako’y humiga na at ipinahinga ang aking pagal na katawan. Ngunit bigla akong napabalikwas ng bangon. Parang iba yung pakiramdam ko. Patakbo akong pumunta sa kabilang bahay at pagbungad sa pinto ay panandaliang tumigil ang aking mundo. Tila ang tunog lamang na aking naririnig ay ang pigil na pag iyak ng aking ama. Hindi ko malaman nung una kung ano ang magiging reaksyon ko. Biglang nagsalita si Che.“Kuya sunduin mo na si ate!” Bumalik ang aking ulirat. Muli kong narinig ang paligid ko at ang mahihinang panaghoy. Sumakay ako ng sasakyan ni tito at agad kaming umalis para sunduin si Jaye.
Pagpasok ko sa kanyang pinagtatrabahuhan ay agad ko syang hinanap. Natanaw ko sya na nagliligpit na ng kahang kanyang hinahawakan. “Jaye tara na. Magpaalam ka muna sa boss mo. Baka hindi mo na sya maabutan” mabilis at hinihingal kong pagbulong. “oh sige teka lang” tugon nya.
Lumabas ako ng Shopwise at pumasok sa sasakyan. Pag upo ko ay tumindig ang balahibo ng aking kanang pisngi. Malamig na hangin na ang hirap ipaliwanag. Binasag ko ang katahimikan sa loob ng sasakyan. “tito nangingilabot ang kanang pisngi ko” takot kong sabi kay tito. “ako rin” sagot nya. “Beth tara na, bilisan nating bumalik”marahan nyang utos sa kanyang asawa na nagmamaneho ng sasakyan.

st.lukes.jpg

Dali dali kong binuksan ang pinto ng sasakyan at patakbong bumalik sa pintuan ng Shopwise. Nasalubong ko nalang si Jaye na papalabas na ng pinto. “tara na bilisan mo” sabi ko. Mabilis kaming pumasok sa sasakyan at agarang umarangkada.
Pagpasok namin sa pinto ng bahay ay bumungad sa amin ang hagulgol nina tita. “Bilisan mo at naririnig ka pa nya” umiiyak na sabi ni papa kay Jaye. Pumasok kami ni Jaye ng pinto at pumunta sa harapan ni Mama. “Ma, salamat sa lahat. Sorry kasi matigas ang ulo ko. Hindi ka naming malilimutan mama. Mahal na mahal ka namin”hagulgol ni Jaye.
Tuliro ako. Hindi ko alam ang sunod kong gagawin. Tiningnan ko silang lahat na nakapaligid kay mama. Lahat sila umiiyak. Sa puntong iyon sinabi ko sa aking sarili “kalma ka lang Mike, pag nagpadala ka sa emosyon, di ka makakaisip ng tama”.
Sumabay sa agos ng mga luha ang mahinang pagpatak ng ulan. Ako ay kumuha ng payong, lumabas at tumawag sa isang kaibigan. “Ate Ching patay na po si mama. Paki tawagan po yung kakilala nyo sa Our Lady at papuntahin po dito sa Tubigan. Aabangan ko nalang po sila. Salamat te sa tulong.” “sige Jomike, nakikiramay kami ng ka Beng mo” malungkot nyang sagot.
Naghintay ako sa malapit sa kanto ng aming eskinita. Ilang saglit pa at dumating na yung mga taga punerarya. Sinamahan ko silang pumasok sa pinto ng aming bahay. Binuhat nila ang katawan ni mama at isinakay sa kanilang sasakyan. “Sino po ang sasama sa punerarya? Ihanda nyo na rin po ang damit na susuotin.”sabi ni manong na taga punerarya. “Ako na po ang sasama” tugon ko. Mabilis akong umakyat sa kwarto nina papa. Binuksan ko ang cabinet nila at kinuha ang damit na isusuot ni mama. Saglit akong napatitig sa damit. Una nyang isinuot ang damit na iyon noon lamang Abril 29, sa kasal ko. Naalala ko ang kanyang mga ngiti habang suot ang damit na iyon. At ngayon makikita kong suot niya ang mga damit sa loob ng kabaong. Iyon ang huli nyang isusuot hanggang sa kabilang buhay.
Inihatid ko ang kanyang katawan sa morge. Doon ako sa kanya nag paalam. “Mahal na mahal kita mama. Maraming salamat sa lahat. Hindi ko pababayaan ang mga kapatid ko at si papa” marahan kong bulong sa kanyang tenga habang hawak ang kanyang malamig na kamay.

1.jpg

Iyon ang pinakamadilim na gabi para sa amin. Ang gabi ng pagpundi ng ilaw ng aming tahanan.Wala na si mama dahil sa sakit na kanser. Masakit, ngunit dapat naming tanggapin. Alam naming may plano ang Panginoon.
Sa unang araw ng kanyang paghimlay, dinungaw ko siya sa loob ng kabaong na ako mismo ang pumili para sa kanya. Sa likod ng salamin ay nakita ko ang kanyang maamong mukha. Pilit kong kinukumbinse ang aking sarili na wala na si Mama. Umupo ako sa sofa at nagbalik tanaw sa ang mga masasayang sandali kasama si mama.
mama2.jpg

“Halika na dito subo na bilis at uunahan ka ni Burog sa pagkain, hala ayan na si Burog, subo na bilis!”paulit ulit na pagpilit sa akin ni mama habang habol habol ako hawak ang kutsarang may lamang kanin at sabaw ng tinola. Mahirap kasi ako pakainin. Pero matyaga si mama sa pagpapakain sa akin.
“Oh sige pag naabot ng kanang kamay mo ang kaliwang tenga mo mag aaral ka na.” Dali dali kong inabot ang aking kaliwang tenga. “Anong letra to?”tanong ni mama habang nakangiti. “A” sagot ko. Si mama ang una kong guro at nagturo sa akin ng mga letra at numero.
“Ibuhos mo na ang suka at hinaan mo na ang apoy. Lagyan mo ng konting paminta tapos takpan mo na.” utos ni mama habang nanginginig sya at nakakumot. May sakit kasi noon si mama at nasa trabaho si papa kaya ako ang nagluto ng paksiw na galunggong. Yun ang kauna unahan kong luto. Natatandaan ko nasa kinder ako nun. Lima o anim na taong gulang. Si mama ang unang nagturo sa akin magluto.
“Sa pangalan ni Jesus ikaw ay gagaling.” Nakapikit na bulong ni mama habang pinupunasan ako ng basang bimpo. May sakit ako nun, inaapoy ng lagnat at nanginginig sa katanghalian. Pero marahil ang mga dasal ng isang ina para sa ikabubuti ng kanyang anak ay parang isang malakas na tinig sa tenga ng Diyos dahil agad Niya itong pinakikinggan.
“Ayoko ng pinagdadabugan mo ako! Daig mo pa akong sinampal! Lumalaki kang paurong! Noong maliit ka pa ni hindi kita padapuan sa lamok!” Nanlalaki ang mga mata ni mama habang pinapagalitan ako dahil sa maling kong gawa. Siya ang nagtutuwid sa baluktot kong mga pag uugali at nagbibigay ng tamang disiplina.
“Pa tama na yan, nasasaktan na ang anak mo.” Pagpigil ni mama sa paghataw ni papa sa akin. “Ikaw ang panganay kaya umayos ka dahil papanalaminan ka ng mga kapatid mo!” pahabol na sambit ni papa. Matigas kasi talaga ang ulo ko. Pasaway at di marunong making. Ginagawa ko ang mga bagay na ginugusto ko kahit ayaw nila. Kaya madalas akong pinapagalitan ni papa. Si mama ang taga pigil kay papa mula sa malalakas nitong palo ng sinturon sa aking puwitan.
“Mike tingnan mo ang pwet ng babaeng yun oh, ganyan ang birhen”nakangiting sabi ni mama habang nakaturo sa seksing babae sa harapan namin habang kami ay naglalakad. “ Ganyan ang kukunin mo” dagdag pa nya.Gusto lang ni mama na hindi ako kumuha ng mga babae kung saan lang. Binata na kasi ako noon kaya nagbigay sya ng ganoong payo.
“Kung hihintayin nyo pa ni Myles na gumanda ang buhay bago kayo magpakasal, hindi na yun gaganda. Kung ang diaper ngayon eh 10 piso, sa susunod 20 na.” marahang pag udyok sa akin ni mama para magpakasal na kami ni Myles. Kaya pala inudyukan kami na magpakasal na para makita pa nya ang apo nya sa akin. Marahil nararamdaman na nyang pagpapaalam na sya.

mike.jpg

“Ikaw ng bahala sa mga kapatid mo, sa pamangkin mo at sa papa mo. Si Myles lagi mong mamahalin. Aalagaan mong mabuti ang anak mo.”mahinang sambit ni mama sa akin. “Opo ma. Wag mo kaming alalahanin. Maging masaya ka na. Mahal na mahal ka namin” umiiyak kong sagot. Iyon yung panahong nagpapaalam na sya sa bawat isa sa amin. Nakakapagsalita pa sya ng maayos kahit naging maliit ang boses nya.

Photo0748.jpg

Sa kanyang mga huling sandali, kapakanan pa din namin ang inisip ni mama. Siya ang aming unang guro, unang kaibigan, unang tagapagtanggol. Isang dakilang ina na hindi mapipigilan ang pagmamahal sa pamilya kahit pa ng kamatayan.
“Kung nasaan ka man Ma, alam kong masaya ka para sa amin. Mananatili ka sa aming mga puso at isipan. Ang mga bilin mo ay aming susundin at hindi kakalimutan. Maraming salamat sa lahat. Mahal na mahal ka namin.”

18423195_1559433677409068_185911826050582764_o.jpg

Maraming salamat po sa pagbasa ng kwentong aking tunay na naranasan. Nawa’y nakapulot po kayo ng magandang aral. Sa Diyos ang papuri!

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

napakadaming aral na matututunan mula sa mga ina. sila ang nagsisilbing guro natin sa buhay at gabay tungo sa maayos na pamumuhay. habang bata pa tayo, sila ang nagdedesisyon para sa atin. nakakalungkot lang na mas madalas nating ipairal ang katigasan ng ulo at pagiging makasarili masunod lamang ang mga personal na interes nang hindi alintana kung sino ba ang nasasaktan o nagagawan natin ng hindi maganda. napakaganda subalit napakalungkot na kwento. salamat sa pagbahagi nito sa amin @yo-mikhael

Salamat @johnpd sa pagbasa.kaya tayo bilang isang ama, isang magulang,gabayan din natin ang ating mga anak.imulat natin sila sa tama at akayin sa tamang daan.

Yung mga unang talata grabe sa totoo lang ang bigat nya @yo-mikhael
tapos habang binabasa mo sya hanggang sa kadulo-duluhan ng akda umiiyak na ako sa sobrang pagmamahal. Ang daming aral talaga na natutuhan sa mga nanay ( sa tatay din naman baka magtampo sila)

Salamat sa pagbabahagi. Entry accepted po.

Salamat @tagalogtrail sa papuri. salamat din sa pagbubukas mo ng mga ganitong patimpalak. sa uulitin.

Naalala ko yung mama ko. Parang parehas ang nanay natin. Ang kaibahan lang nagkaisip na ako na maysakit sya. Sa halip na kami ang inaalagaan nya, kami ang nag-aalaga sa kanya. Ang tagal naming inalaagaan ang nanay ko. 14 lang ako nung iniwan nya kami. Yung mothers day minsan ang nagpapalungkot sa akin. Ang naiwang alaala sa akin ng nanay ko ay yung unti tuning pagbagsak ng kalusugan nya. Kinder pa lang ako pagewang gewang na sya maglakad. Kasabay ng pagedad ko ang paglala ng kondisyon niya. Pero nanatili syang ina. Pinipilit kumilos kahit kitang hirap na hirap maalagaan lang kaming mga anak nya.Binuhay mo sa akda mo ang imahe ng nanay ko. Gusto kong manalo ang gawa mo!!! Feeling ko ito ang mananalo. haha

salamat @beyonddisability.parehas tayo..tuwing mothers day nasa puntod ako ni mama at umiiyak.sobrang miss ko kasi sya.mama's boy kasi ako at panganay pa kaya close kmi ni mama..dati kapag ina ang pinag uusapan, kahit nasa jeep ako,tumutulo talaga ang luha ko..salamat sa papuri.kaya yung mga may nanay pa jan at buhay pa parehas ang magulang,sulitin nyo sila..

maraming salamat po @bayanihan sa pagfeature ng post ko. cheers!

More of those po☺