Alas dose ng hatinggabi, hindi ko maipaliwanag ang paninigas ng puson ko. Umikot ang sanggol na nasa sinapupunan ko. Maya-mayang bahagya, nariyan na naman ang hindi maipaliwanag na sakit. Kasalukuyang gumagayak na papasok ng opisina ang aking asawa. Ako nama’y matutulog na sana dahil apat na oras na akong naghahanap ng tulog. Hindi ako makapwesto nang matiwasay para makatulog. Pinapaliwanag ko pa lang sa asawa ko kung bakit hindi ako makatulog ay bigla na namang sumakot ang puson ko. Nabasa ko librong siyam na buwan kong binabasa na kapag masyado nang maikli ang pagitan ng pagsakit at paninigas ng tiyan ay manganganak na ako. Manganganak na ako!!!
Manganganak na ako?? Hindi pa ako handa! Pero ibig sabihin nito ay mayayakap ko na siya sa personal! Ibig sabihin din nito ay magsisimula na ang pagiging nanay ko!!!
Naisip ko, nagsimula ang pagiging nanay ko noong nakita ko ang resulta ng pregnancy test ko. Simula noon, lahat ng kilos ko, kinakain at iniinom. Lahat ay tungkol na sa kanya.
Ang dami kong iniisip! Sumakit ulit ang tiyan ko. Sinabi ko sa asawa ko sa pinakakalmadong paraan na makakayanan ko. Ayaw mong mataranta siya dahil ayokong may maling mangyari. Ang mga tao ay sadyang nagkakamali kapag nauna ang pagkataranta.
Pitong buwan pa lamang ang tiyan ko ay handa na ang lahat ng gamit namin para sa ospital. Sabi rin kasi sa libro ay dapat handa na ang lahat. May mga napapaanak nang maaga kaya kailangan laging handa. Sa awa ng Maykapal, hindi naman ako napaanak ng maaga. Hustong apatnapung linggo sa sinapupunan ko si Lanaya
Hindi na kami nanggising ng mga kasama namin sa bahay. Dumeretso kami sa sakayan ng tricycle dahil wala kaming makuhang taxi. Natataranta rin marahil ako dahil hindi ko naisip kumuha na lang ng Uber. Naiwanan pa ng asawa ko ang bag na nakatoka sa kanya.
Kausap ko sa telepono ang doktor ko na siyang nagbibigay ng direksiyon kung saan kami pupunta pagdating sa ospital at kung sino ang kakausapin. May pagkamahiyain ang asawa ko kaya kailangang alam ko ang mga kailangang gawin para may basehan ang pagsigaw ko sa kanya. Sa tindi ng sakit na nararamdaman ko, gusto ko siyang lamukusin at itupi nang labingwalong ulit!
Sa ospital, iginiya na ako ng mga doktor sa labor room. Hindi ko akalain na magiging labingwalong oras ang pananahan ko sa kuwartong iyon. Sa buong araw ay puro kurtina at kisame lang ang nakita ko. Nag uumiyak pa ako sa doktor ko na payagan akong kumain dahil ang huling kain ko ay noong nakaraang araw pa. Habang mag isa ako sa kuwarto ay natakot ako bigla.
Paano kung hindi na pala ako makakalabas nang buhay sa kuwartong iyon? Paano kung hindi ko na pala makikita ulit ang asawa ko. Paano na ang anak ko?
Kaya nang pumasok ang asawa ko kinatanghalian ay hinagkan at niyakap ko siya. May padrama pa si mayora, diba? At kumain na ako ng tinapay na dala niya.
Maya-maya naman ay may nagdatingan na mga doktor. May tinitingnan ang pulso ko at ang tibok ng puso ni Aya, mayroong tinitingnan ang aking pwerta, mayroong nagtuturok ng pampalambot ng tiyan- para daw lumabas na si baby, mayroon namang nagkabit ng para sa pampamanhid sa likuran ko. Lahat nang ito ay nangyayari habang ang suot ko lamang ay ang damit pang ospital.
Aba naman, wala na akong itinago sa mga doktor na ito! Sa tuwing gusto kong matawa sa sitwasyon ay ipinapaalala ng anak ko na nandoon ako para mag-labor kaya naman sumasakit talaga nang sobra ang tiyan ko.
Nang bandang alas siyete y media ng gabi (ayon sa doktor na tumitingin sa pulso ko) handa na raw lumabas si baby. Hindi ko na iyon alintana dahil sadya naman talagang napakasakit, sobra! Sinigaw ko ang pangalan ng asawa ko (hindi ko siya minura gaya ng sa mga pelikula) at naiyak na ako sa sakit, sinigaw ko ang katagang "Mama!" Kahit anong independent mo pala, sa bandang huli, tatakbo ka pa rin pabalik sa pinagmulan mo.
Doon naman siyang dumating ang mga doktor at espesyalistang aalalay sa akin sa panganganak. Masasabi kong napakasaya ng panganganak ko kasi nagtatawanan pa kami sa delivery room. Tinurukan na ako ng anesthesia, nagsisisigaw ako kasi bigla akong nanginig. Pinakalma naman nila ako. Sinabi ko sa kanila, "Doc, unang beses ko po, di ko po alam ang gagawin." Bilang kwela din naman ang grupong iyon, tinuruan nila ako. Para kaming sasayaw.
Ok. Ganito yun mam ha. Hingang malalim, buga. Hingang malalim buga, sa pangatlong hinga mo nang malalim, huwag mo munang ibubuga, umiri ka habang hindi bumubuga ng hangin, bibilang kami hanggang sampu, saka mo lang ibuga ang hangin."
Makailang ulit kaming ganoon. Akala ko, nagsasanay pa lang kami, ginawa na pala nila iyon para bumaba pa nang husto si Aya. Nuknukan pa rin siya nang likot kahit habang manganganak na ako.
Dumating na ang head doctor na magpapaanak sa akin. Pinutok na niya ang panubigan ko dahil buo pa rin daw. Makatatlong beses akong ulit ng hinga-iri-buga. Pagod na ako. Inaantok na rin ako. Ayoko na. Alas otso Y media ng gabi.
Narinig ko ang iyak niya. Ako lang ang nanganganak ng mga oras na iyon kaya alam kong siya na yun. Sobrang gustong gusto ko na siyang makita at mayakap. Kinalas lang nila ang pusod nya, at saka nila siya ibinigay sa akin.
Lahat ng paghihirap ko, lahat ng sakit, tuwa, galit, pagsusungit habang nagbubuntis ako, lahat yun, lumipad sa hangin. Hindi ko na rin namalayan ang mga doktor. Nakatingin lang ako sa kanya habang iniaabot nila siya sa akin. Parang huminto ang oras. Walang ibang tao, kaming dalawa lang. Sa wakas ay hawak ko ko na ang pinakamamahal ko. Hinalikan ko siya. At saka ko tinitigan ulit.
Ang puti puti mo naman anak, bakit kamukha mo si Tatay?
Iyan ang unang una kong sinabi sa anak ko.
At diyan nagsimula ang paglalakbay naming mag-ina.
Salamat po sa pagsali ate @romeskie!
Ang cute ni baby Lanaya! yung experience ng kwento grabe ang sarap basahin.
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Salamat po! :) Natuwa rin po ako habang nagsusulat. Sadyang nakakahanap pa rin talaga tayo ng katatawanan kahit nasa gitna ng paghihirap. Hehe
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit