Bitter No More: Ikawalong Bahagi

in literaturang-filipino •  7 years ago 

Ikawalong Bahagi.PNG

BITTER NO MORE

sa panulat ni @jemzem


Bitter No More.PNG

Ang nakaraan...

"Ano ba, Ariel! Bakit ba bigla ka na lang sumusulpot? Kabute ka ba?" gulat niyang sambit.

"E kasi naman po, minomonitor kita," agad na sagot ng kaibigan.

"At bakit mo naman ako minomonitor? May sakit ba ako? Tatay ba kita?" pamimilosopo niya naman.

"Because you always break the rules of moving on. Gaya ng rule one point seven. Don't stay in contact with your ex's friends and family." Huminga muna ito nang malalim bago tapusin ang sasabihin, "You may find these rules stupid today, but I know that these stupid rules will help you someday."

Umalis kaagad ang kaibigan niya matapos sabihin iyon at naiwan siyang mag-isa.

HINDI mapakali si Anchelle habang namimili ng damit sa mall para sa susuotin niya sa birthday party ni Jesa sa susunod na araw. Gusto niyang magsuot ng magandang damit para lalong lumantad ang ganda niya. Gusto niyang maging maganda sa paningin ni Jade. Iniisip niyang baka magbago ang isip nito kapag nakita ang mala-dyosa niyang ganda. Baka pagsisihan nito ang ginawang pag-iwan sa kaniya at balikan siya nito.

Isa pa, iniisip din niyang baka pumunta rin doon ang bago nitong nobya. Ayaw niyang matalbugan siya nito kaya mag-aayos siya ng todo at ihahanda ang sarili para bukas.

Nang makapili na siya ng damit na umagaw ng atensyon niya ay agad niyang isinukat iyon. Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Napangiti siya nang malapad nang makitang kasya ang napiling damit sa katawan niya at bagay na bagay ito sa kaniya.

Matapos niyang sukatin iyon ay agad siyang nagtungo sa counter para bilhin ang napiling damit. Dumiretso na rin siya sa bahay nila matapos niyang bilhin iyon dahil malapit na ring gumabi.

7.png

NANG sumunod na araw ay nagmamadali si Anchelle sa pag-aayos sa sarili. Pagkatapos niyang lagyan ng kaunting make-up ang kaniyang mukha ay isinuot na niya ang damit na binili niya noong nakaraang araw. Tuwang-tuwa siya nang makita ang mala-dyosa niyang hitsura na dadaigin pa yata ang magdiriwang ng kaarawan. Pagkatapos ay nagmamadali na rin siyang lumabas ng kuwarto.

"O, Anak. Ang ganda mo naman! Saan ang lakad mo ngayon?" bungad ng Papa niya nang makita siya nito.

"Birthday po ng kaibigan ko, Pa. Inimbitahan niya po ako," nakangiting sagot niya sa Ama.

"Huwag kang masyadong magpagabi, Ann. Huwag ka ring uminom," bilin naman ng Mama niya.

Napangiti siya sa bilin ng Mama niya. Hindi naman kasi siya umiinom ng alak, at alam iyon ng pamilya niya.

"Opo, Mama." Nginitian niya ito nang malapad. "Sige po, alis na po ako." Nagmano siya sa mga magulang niya bago tuluyang umalis.

7.png

MARAMI na ang dumating na bisita pagpasok niya sa gate ng bahay nina Jesa. Agad naman siyang nilapitan ng tatlong kaibigan ni Jade nang makita siya ng mga ito.

"Grabe! Walang kupas pa rin talaga ang ganda mo, Anchelle!" pambobola ni Mike sa kaniya.

"Walang kupas nga rin ang pagkabolero mo, e!" Natatawang sagot niya naman kay Mike.

Nagtawanan silang lahat sa sinabi niya. Natigil lang ang tawanan nang dumating si Jade kasama ang bago nitong nobya.

"Tol!" Isa-isa nitong tinapik ang balikat ng mga katropa. "Si Ellen nga pala, girlfriend ko," pakilala nito sa kasamang babae.

Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Jade nang makita siya nito. "A-Anchelle?" gulat nitong sambit.

Tinitigan niya ito at binigyan nang malapad na ngiti. "Hi, Jade!" bati niya sa binatang titig na titig sa kaniya at hindi pa rin naaalis ang gulat na ekspresyon sa mukha nito. Malamang ay hindi nito inaasahang dadalo siya sa kaarawan ni Jesa.

Nabalot ng katahimikan ang lugar dahil walang nagsalita. Hindi tuloy siya komportable dahil walang naglakas-loob na umimik at basagin ang katahimikang namumuo sa paligid.

Mayamaya pa ay dumating ang may kaarawan sa puwesto nila.

"O! Ba't ang tahimik n'yo rito? Ba't 'di ako nainform na prayer meeting pala ang nandito at hindi birthday party?" natatawang sambit ni Jesa.

Napabuntong-hininga naman siya at tahimik na nagpapasalamat sa pagdating ng dalaga, kung 'di ay hindi na niya yata kakayanin ang napaka-awkward na sitwasyon.

"Ahm, we're just having a moment of silence para sa namayapang kuko ni Kiko," biro naman ni Mike na nagpahagalpak ng tawa sa lahat.

"Ulol! Tapakan ko 'yang ingrown mong kuko, e!" sagot naman ni Kiko na lalong nagpalakas ng tawanan sa lugar.

"Tama na, Guys!" saway ni Jesa habang hawak-hawak ang tiyan sa katatawa. "Mabuti pa'y kumain na tayo't tutugtog pa itong tatlong 'to mamaya," sabi niya sabay yakap kina Mike, Kiko, at Alex.

"Buti pa nga!" pagsasang-ayon ni Alex sa sinabi ni Jesa.

"Kainan na!" sigaw naman ni Mike.

Hindi pa rin sila tumitigil sa pagkukwentuhan kahit kumakain na sila. Maingay sila habang nasa hapag-kainan dahil sa walang humpay na pagbibiro ni Mike. Malakas din ang mga tawa ni Anchelle, ngunit sa likod ng mga pekeng tawa niya ay ang paulit-ulit na sakit na nararamdaman niya sa tuwing sinusulyapan niya si Jade.

Gusto niyang tumakbo palayo sa tuwing nasusulyapan niya si Jade na nakikipaglambingan sa bago nitong nobya. Hindi niya mapigilang hindi magselos. Sa bawat paglalambing na ipinapakita nito sa bagong kasintahan ay ang panunumbalik ng mga matatamis nilang nakaraan. Ang paglalambing na ginagawa nito sa kaniya dati ay ginagawa na nito sa ibang babae ngayon. At lalo siyang nasasaktan dahil hindi man lang inisip ng dating nobyo ang mararamdaman niya. Hindi man lang ito nag-aalangang makipagharutan sa kaniyang harapan.

Kapag sinusubuan nito ng pagkain ang babae ay naaalala niya ang mga panahong pinipilit siya nitong subuan kahit ayaw niya dahil nahihiya siya. At hanggang sa masanay na nga siya sa pagsusubo nito sa kaniya sa tuwing kakain sila.

Kapag dinadampian nito ng halik ang noo ng babae ay naaalala niya ang mga oras na pinapawi nito ang lungkot na nararamdaman niya sa pamamagitan ng mainit na halik at yakap nito.

Hindi niya alam kung bakit sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Hindi niya alam ang dahilan. Wala man lang pasabi na ito ang mangyayari. Na isang araw ay magigising na lang siyang hawak na ng iba ang lalaking pinakamamahal niya. Na hindi na siya ang dahilan ng mga ngiti nito. Na hindi na siya ang itinitibok ng puso ng dating nobyo.

Masakit. Sobrang sakit na makita niyang masaya ang pinakamamahal niyang lalaki sa piling ng ibang babae.

Itutuloy...


Ito po ang mga naunang bahagi ng ating kuwento:

Bitter No More: Panimulang Bahagi
Bitter No More: Unang Bahagi
Bitter No More: Ikalawang Bahagi
Bitter No More: Ikatlong Bahagi
Bitter No More: Ikaapat na Bahagi
Bitter No More: Ikalimang Bahagi
Bitter No More: Ikaanim na Bahagi
Bitter No More: Ikapitong Bahagi

Araw-araw po ang schedule ko sa pagpo-post ng karugtong ng kwentong ito kaya antabayanan na lang ang susunod na pangyayari bukas. Kung hindi man ako nakapag-post sa isang araw sa kadahilanang abala ako sa mga bagay-bagay, titiyakin ko namang habulin ang bilang ng ipo-post kong bahagi gaya na lang ngayon. Dahil nga hindi ako nakapag-post kahapon, dalawang bahagi ang ipo-post ko ngayon.

At para sa inyong mga komento at kuro-kuro, 'wag mag-atubiling ilagay ito sa comment box sa ibaba. Ako po'y labis na magagalak na mabasa ang komentong magmumula sa inyo. :D

Maraming salamat sa pagbabasa! :)


pinagkunan ng larawan:1, 2

7.png

Maging bahagi sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ikaw ba ay manunulat ng tula o maikling kuwento? O kaya ay nais malinang ang talento sa pagsusulat? Sumali sa mga patimpalak. I-follow ang @tagalogtrail para sa mga akdang Filipino at sumali rin sa aming talakayan sa discord: Tropa ni Toto

new banner.gif

jemzem banner.gif

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Narito po ang link sa lahat ng bahagi ng Bitter No More: Thank you!

Congratulations! This post has been upvoted from the communal account, @minnowsupport, by jemzem from the Minnow Support Project. It's a witness project run by aggroed, ausbitbank, teamsteem, theprophet0, someguy123, neoxian, followbtcnews, and netuoso. The goal is to help Steemit grow by supporting Minnows. Please find us at the Peace, Abundance, and Liberty Network (PALnet) Discord Channel. It's a completely public and open space to all members of the Steemit community who voluntarily choose to be there.

If you would like to delegate to the Minnow Support Project you can do so by clicking on the following links: 50SP, 100SP, 250SP, 500SP, 1000SP, 5000SP.
Be sure to leave at least 50SP undelegated on your account.