Literaturang Filipino: Ang Kaluluwa ni Stella

in literaturang-filipino •  7 years ago 

Ang Kaluluwa ni Stella

LITERATURANG FILIPINO ENTRY (CONTEST #7)


nightmare-2826890_960_720.jpg

Ang kwentong ito ay hango sa totoong karanasan ng aking ate na si Joy.

Bata pa lang ay lapitin na si Ate Joy ng kung ano-anong kababalaghan. Madalas siyang nakakakita ng mga multo, aswang, at ligaw na mga kaluluwa. Kinalakihan na niya ang mga iyon at tila nasanay na siya kalaunan. Ang sabi ng iilan ay dahil iyon sa wala siyang piltrum o tinatawag na gutli o linya sa ibabaw ng mga labi. Madalas daw talagang lapitin ng mga engkanto, multo, o maligno kapag ganoon.

Marami ng karanasan ng kababalaghan ang naikuwento ni Ate Joy sa amin at isa na roon ang kaluluwa ng babaeng humihingi ng tulong sa kanya. Sanay na siyang nilalapitan ng mga kaluluwa at binubulungan ng mga pangalan nito sa panaginip niya. Marahil ang gusto ng mga ito’y magpadasal sa kanya sa simbahan, at ganoon na nga ang ginagawa ng ate ko. Nagpapamisa siya sa simbahan para sa mga kaluluwang lumalapit sa kanya dahil gusto niya ring matulungan ang mga ito. Pero kalaunan ay itinigil niya iyon dahil sa nakakatakot na karanasang nangyari sa kanya.

Isang hapon ay pinatutulog ng aking ate ang kanyang anak na noon ay anim na taong gulang pa lamang. Nang makatulog ito ay nagpasya na rin siyang matulog sa tabi ng anak niya.

Sa gitna ng kanyang pagtulog ay bigla na lang niyang naidilat ang kanyang mga mata at bumulagta sa harap niya ang mukha ng isang babae. Pinilit niyang bumalikwas ngunit hindi niya maigalaw ang katawan niya na tila ba binabangungot siya. Labis na takot ang bumalot sa kanya lalo pa’t nilapit nito ang bibig sa tenga niya at paulit-ulit na ibinubulong ang pangalan nito.

“Sige, ipagdadasal ko ang kaluluwa mo, Stella.” Hindi makapagsalita ang ate ko pero kinakausap niya ang kaluluwa sa kanyang isip.

Akala niya’y maglalaho na ito, pero nagulat siya nang bigla siyang napunta sa ibang lugar at ipinakita ni Stella kung paano siya namatay.

Sa isang masukal na damuhan ay pinagtulungang gahasin si Stella ng grupo ng kalalakihan. Iyak siya nang iyak at panay sigaw ng saklolo pero walang nangyari. Matapos siyang gahasain ay sinaksak siya ng ilang beses at nang mabawian siya ng buhay ay iniwan na lang siya ng mga gumahasa sa kanya roon sa damuhan.

Matapos ipakita ni Stella ang nangyari sa kanya ay bigla silang nakabalik sa kwarto at nakahiga pa rin ang ate ko’t hindi makakilos.

“Huwag kang mag-alala, ipagdadarasal ko na sana’y managot ang mga pumatay sa iyo nang maging mapayapa ka na.”

Tila hindi nagustuhan ni Stella ang sinabi ni Ate Joy kaya lumapit ito sa kanya na tila gusto siya nitong saniban.

“Maawa ka! Huwag mong gagawin ‘yan!” napaiyak na lang si ate sa takot.

Lumingon siya sa anak niyang natutulog sa kanyang tabi at lalo siyang naluha.

“Kahit maawa ka na lang sa anak ko. Ang bata niya pa. Kung sasaniban mo man ako, kawawa ang anak ko.”

Tumigil si Stella sa pagpupumilit na saniban siya at saka tumitig sa natutulog niyang anak.

Makaraan ang ilang minuto ay naglaho ang kaluluwa ni Stella at biglang nagising si Ate Joy. Bumangon siya at inilibot ang paningin para hanapin si Stella. Doon niya napagtanto na totoong gising na siya kaya buong higpit niyang niyakap ang kanyang anak.

Kinabukasan ay pumunta siya ng simbahan para magpamisa sa kaluluwa ni Stella. At simula noon, nagpasya si Ate Joy na itigil na ang pagdadasal niya para sa mga kaluluwa dahil sa tuwing ginagawa niya ito’y parami nang parami ang kaluluwang nagpapatulong sa kanya. Bagama’t nais niyang makatulong sa mga ito, takot na siyang baka maulit ang naranasan niya at mas masama pa ang mangyari sa kanya.


Pinagkunan ng larawan

7.png

Maging bahagi sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ikaw ba ay manunulat ng tula o maikling kuwento? O kaya ay nais malinang ang talento sa pagsusulat? Sumali sa mga patimpalak. I-follow ang @tagalogtrail para sa mga akdang Filipino at sumali rin sa aming talakayan sa discord: Tropa ni Toto

new banner.gif

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Mabuti na lang nagpasya na siya na magpadasal dahil kung hindi baka lahat ng kaluluwa na sa Cebu ang lumapit sa kanya para ipaghiganti sila. Hindi naman talaga hustisya ang hanap ng mga kaluluwa na iyan kung hindi _paghihinganti lamang diba? Kasi kung hustisya ang hanap talaga nila kahit hindi maging ayos sa pakiramdam basta may pagkakasundo, ganoon naman kasi talaga ang hustisya diba?

Tama ka, boss @twotripleow. Buti na lang talaga hindi natuloy 'yung pagsapi nung kaluluwa sa ate ko. Kasi kadalasan daw nababaliw yung sinaniban kapag ganoon tapos hahanapin talaga nung kaluluwa yung pumatay sa kanya para makapaghiganti. Dalawang ate ko yung ganyan e, lapitin sa mga kaluluwa. Buti nalang hindi ako kagaya nila. Baka maihi lang ako sa salawal kapag nakakita ng multo. hahahhahaa

Diyos ko po! Sana hindi ka rin magka ganoon. Lagi ko isasama sa mga dasal mga ate mo para hindi na tuluyang bumalik mga kaluluwa. Huwag ka kasi matakot sa multo hindi naman nakakatakot. Bukas susulat ko naman karanasan ko sa multo hehe pag-katapos ng ulat sa #steemitdora

Salamat, boss. :)
Matagal nang nangyari 'yan. Ngayon may nagpapatulong pang kaluluwa sa kanya pero bihira na lang hindi gaya ng dati. Sige boss, sali ka. :)
Mukhang magsusulat ka na naman ng Tagalog. Nakakatuwa! :D

Dati wala ako kagana gana mag-sulat talaga, simula nang nabasa ko mga sinusulat mo, nagiging aktibo na ulit ako haha. Oo mayroon bukas sa mga multo rin :P Walay sapayan. Sisikapin ko maka-gawa ng isang medyo maiksing kwento hehe. Daghan salamat sa'yo.

Halaaa! Nakakatuwa ka talaga, boss! At natutuwa ako lalo dahil may positive impact pa talaga 'yung mga isinulat ko sa iyo. Sana tuloy-tuloy na nga, boss. Patuloy lang din talaga akong nagsusulat dito dahil dama ko ang suporta ng mga kapwa natin Pilipino. Mabuhay! Daghang salamat pud sa suporta, boss! :D

Uunahin ko isulat mga bagay na hindi ko masyado ginagawa idol na kasi kita pag dating sa verstatility, sana maka pagsulat ka rin ng patayan asap. Sana maka gawa ako ng maganda, kailangan ko feed back mo, wag ka mhihiyang okrayin ako, para sa ikakabuti yun.

Idol pa talaga e. Hehehe. Idol na nga rin kita e. :D
Iniisip ko na talaga kung ipo-post ko rito ang mga naisulat kong patayan na kwento noon. Malimit na kasi akong magsulat ng patayan ngayon, love story na madalas. Hahahha. Pero malay natin, magsulat ulit ako ng patayan gaya ng dati.
At saka sige lang, boss. Kapag nire-request naman ang honest critique ng isang kwento mula sa akin, maaasahan mo ako d'yan. Heheheh. 'Di bale, constructive criticism naman ang ibibigay ko. I-summon mo lang ako kapag nag-post ka na. :D

Congratulations! This post has been upvoted by the communal account, @steemph.cebu by jemzem being run at Teenvestors Cebu (Road to Financial Freedom Channel). This service is exclusive to Steemians following the Steemph.cebu trail at Steemauto. Thank you for following Steemph.cebu curation trail!

Don't forget to join Steem PH Discord Server, our Discord Server for Philippines.

Ay if true story yan katakot naman. Baka gusto ni Stella tulungan siya hanapin yung mga gumawa nun s kanya para makulong, kulang pa yung dasal sa kanya, gusto niya revenge. Whew katakot.

Congratulations! This post has been upvoted from the communal account, @minnowsupport, by jemzem from the Minnow Support Project. It's a witness project run by aggroed, ausbitbank, teamsteem, theprophet0, someguy123, neoxian, followbtcnews, and netuoso. The goal is to help Steemit grow by supporting Minnows. Please find us at the Peace, Abundance, and Liberty Network (PALnet) Discord Channel. It's a completely public and open space to all members of the Steemit community who voluntarily choose to be there.

If you would like to delegate to the Minnow Support Project you can do so by clicking on the following links: 50SP, 100SP, 250SP, 500SP, 1000SP, 5000SP.
Be sure to leave at least 50SP undelegated on your account.