Literaturang Filipino : Si Rosa sa Katauhan ni Emily

in literaturang-filipino •  7 years ago 



mula sa

Tahimik ang buong klase na kumokopya sa isinusulat ng kanilang maestra sa pisara. Malapit na mananghalian kaya nagmamadali ang ibang estudyante sa ika-apat na baitang ng hayskul upang matapos kaagad. Samantala, isang estudyante sa may bandang likuran ang mahinang umuusal ng mga katagang "Pagdudusahan mo ang mga kasalanan mo!" Mahinang bulong subalit malaki ang boses. Nakakapangilabot na ang dalagitang si Emily, sa kanyang maiksi at manipis na pangangatawan ay magkaroon ng kakaibang boses na para bang sa ibang tao nagmumula.

Inuugoy niya ang kahoy na kinauupuan. Ikinakaskas ang lapis sa isang pahina ng kwaderno at sa hindi maipaliwanag na dahilan, bigla na lamang itong tumayo at pinilas ang mga pahina ng libro na nasa kanyang harapan. Nagpakawala ito ng matutunog na halakhak. Isang dumadagundong na ingay na nagpatindig ng balahibo ng kanyang mga kapwa estudyante. Nanlilisik ang mga mata niya. Tumiklop ang mga daliri na parang iminumwestra na mangangalmot. Kunot ang noo at nakabuka ang bibig. Pilit inilalabas ang pangil sa kanyang puti at pantay-pantay na mga ngipin. Hindi kalakasan ang hangin na dala ng sumisirkulong ceiling fan ngunit magulong hinahangin ang kanyang buhok na para bang nadaanan ng mabilis na ipu-ipo. Humakbang siya habang nakaduro sa kanyang maestra. Sinambit niya ang mga katagang "Veniet iudicare vivos et satanas." At matapos muling magpakawala ng isang malutong at matunog na halakhak, bigla na lamang siyang nawalan ng malay at humandusay sa sahig.




mula sa

"Father Rey, sampung araw na po magkakasunod-sunod na sinasaniban ang mga estudyante dito sa paaralan namin.", sumbong ng guro ni Emily. "Nagsimula po kay Emily, tapos ung ibang bata naman po. Natatakot na kami na baka may masaktan sa mga bata."

"Hayaan nyo po, gagawin ko lahat ng makakaya ko para maitaboy ang lagim na bumabalot sa paaralang ito."

"Salamat po, Father Rey."

"Basta huwag nyo lang po kakalimutan ang donasyon para sa simbahan. At ang pagpapagawa ng bagong monasteryo."

Habang sila ay nag-uusap sa opisina ng principal, humahangos na sumalubong sa kanila ang isa pang guro.

"Father! Father! Nagwawala po si Emily."

Dali-dali nilang tinungo ang silid-aralan ng estudyanteng si Emily. Nagulantang sila sa nakita... nakalutang ito sa ere. Nakataas ang dalawang kamay at ang dalawang paa ay hindi nakasayad sa lupa. Biglang nanlisik ang mata ni Emily nang makita ang pari sa harapan niya.

"Bwah hah hah! Nagpadala kayo ng pari? Akala nyo ba kakayanin niya ang mapalayas ako sa katawan ng batang ito?"

"Pater noster, qui es in caelis, sanctificetur nomen tuum...", nagsimulang manalangin ang pari.

"Bwah hah hah! At nakuha mo pang magdasal sa wikang Latin. Hindi ako tatablan ng kababawan mo."

"Adveniat regnum tuum. Fiat voluntas tua, sicut in caelo, et in terra...", pagpapatuloy ng pari habang iwiniwisik ang agua bendita sa nakalutang na katawan ni Emily.

"Aaaargggh! Sanctus stercore!", napahiyaw sa sakit si Emily nang masabuyan ng agua bendita.

"Panem nostrum quotidianum da nobis hodie, et dimitte nobis debita nostra, sicut et nos dimittimus debitoribus nostris...", mas malakas na ngayon at mas madiin ang boses ng pari habang patuloy na nagwiwisik ng agua bendita.

"Magtutuos muli tayo...", ang huling nabanggit ni Emily.

"Et ne nos inducas in tentationem, sed libera nos a malo. Amen.", at sa huling wisik ng agua bendita, kasabay na lumagpak sa sahig ang walang malay na katawan ni Emily.

Lumipas ang ilang linggo, nawala na nga ng tuluyan ang pagsanib sa mga estudyante. Pero si Emily ay inoobserbahan pa rin ng mga guro. Palagi itong tahimik, gumuguhit ng ilog sa kwaderno at paulit-ulit na isinusulat ang mga katagang...

sa dalampasigan

naging napakahaba ng sandali

ang isa't-isa ay kapiling

ngunit hindi pa rin masaya

Inakala ng mga magulang nito pati na rin ng mga kaibigan na nalulungkot lang ito dahil hiniwalayan ng nobyo. Subalit hindi pala ganun ang sitwasyon. Makalipas ang dalawang buwan, naulit muli ang pagsanib kay Emily. Pero sa pagkakataong ito, mas malakas at marahas ang kanyang mga manipestasyon. Umiikot ng 360 degrees ang kanyang ulo, umaagos ang dugo mula sa kanyang mga mata, at sumusuka siya ng berde na likido. Tinawagan ng mga magulang ni Emily si Father Rey at isinagawa ang eksorsismo sa bahay nila. Nakagapos ng kadena na nababalutan ng tela ang mga paa at kamay ni Emily. Nanlilisik ang mga mata at napuno na ng berdeng likido ang buong damit niya.

"Maligayang pagbabalik Father Rey. Bwah hah hah!", pambungad nito.

"Ano ang pangalan mo diablo? At ano ang kailangan mo sa batang ito?", nanunubok na paghamon ng pari.

"Ikaw ang may kailangan sa akin. Bwah hah hah!"

Sinimulan na magdasal ng pari kasabay ng pagwisik ng agua bendita sa nakagapos na katawan ni Emily.

"Wala kang kadala-dala Father. Papatayin mo na naman ulit ako."

Ulit. Nabanggit ng sumapi ang salitang "ulit". Napatay na ba siya dati ng pari?

"Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin, Father."

Nagpatuloy lamang sa pagdarasal ang pari at patuloy din na nagwawala ang katawan ni Emily. Nandudura at nangangagat ang nanlalaban na katawan kahit pa nakagapos.

"Hindi ka na nakuntento, pinatay mo pa ako matapos mo maangkin ang puri ko."

"Hindeeeeh!" Dala ng labis na pagkabigla, itinarak ni Father Rey sa bandang sikmura ni Emily ang kahoy na krus na hawak niya. Kumalat sa kama ang maraming dugo.


mula sa

"Patawarin mo ako Rosa.", paulit-ulit na inuusal ni Father Rey habang hinihimas ang bakal na rehas na humaharang sa kanyang harapan. Katabi niya ang nag-iisang lalakeng bilanggo na kasama niya sa selda.
Pabulong naman na sinasambit ng lalake ang mga katagang...

sa dalampasigan

naging napakahaba ng sandali

ang isa't-isa ay kapiling

ngunit hindi pa rin masaya


*dala*****ga

**gi** na****ha** ** sa*****

*ng ***'*-isa ** ******ng

****** ***** pa ri* ******



Si Father Rey Pisca ay nahatulan ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng hindi bababa sa dalawampung taon at isang araw at hindi lalampas sa apatnapung taon dahil sa aktong panggagahasa at pagpatay sa isang dalagang nagngangalang Rosa Calab. Sinasabing si Rosa ay tagasilbi sa kumbento na tirahan ng nasabing pari. Ang labi ng biktima ay natagpuan sa ilog Pasig dalawang taon matapos ang insidente. Nabaliw sa kulungan ang pari at madalas marinig na sumisigaw at humihingi ng tawad. Sa gabi naman, ang langitngit ng nagkikiskisang mga kadena at bulwak ng tubig na tila ba nagmumula sa isang ilog ang maririnig mula sa selda ng pari.

Ang akdang ito ay kathang isip lamang at ang paggamit ng pangalan ng mga tauhan ay walang kaugnayan sa totoong pangyayari. Humihingi po ako ng pumanhin sa sinumang kapangalan ng mga nabanggit na tauhan sa kwento.

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Nabasa ko na to kagabi pero kunyari ngayon ko lang nabasa. Takot si aqoe eh.

Ang galing tapos yung hidden words! hahahah husay ng pagkaka portray! Pero takot parin ako hahahha

Good luck sa patimpalak Jampol! este @johnpd

doon talaga ako nahirapan, kung paano itatago ung mga salita.
wag ka na matakot @tagalogtrail
ingat ka na lang sa paghahanap ng ibang post dahil baka may hidden words din pala na gusto sabihin sa'yo 👻👻👻

ang galing may deocding messages.
na sad ako sa paring nanggahasa.

Ang galing, lalo na ng twist ng storya. Amg ganda ng pagkakatagpi tagpi ng pangyayari lalo na ng rebelasyong si padre pala ay isang rapist.

Gusto q rin ang ending, buti nga sa kanya! Cheret! Affected? 😅 Napakahusay nito. Good luck sa patimpalak.

nahuli siya dahil sa pangalan niya. nyahaha!

Father Rey Pisca
(father rapist ka)


uwian na! hindi pinag-isipan ang joke 😂😂😂

Ahahahaha! Di q napansin to ah! Ang galing! 😂🤣😅 Havey naman xa!

ang ganda ng pagkakalatag ng twist @johnpd, sana ma curate ka ng curie,

sana nga po. isang napakalaking gantimpala para sa akin ang ma-curate ng curie 😊