Pitong taon sya noon.
Psst! Pssst!
Alam nya kung saan galing ang sitsit na iyon. Karipas sya ng takbo pauwi. Pero huli na ang lahat. Lumapat na ang sinturon sa kanyang puwetan.
"Sinabi ko na sa iyo matulog ka kapag tanghali", sambit ng kanyang ama habang pingot-pingot sya at isang hagupit pa ulit ang tinaggap ng kanyang tumbong. Hindi magkandatuto si Ralph sa sakit. Tatlong araw siyang di maka-upo ng husto dahil doon.
Dose Anyos sya noon
"BOBO! Wala ka palang binatbat. Hindi kita sasamahan sa entablado. Pinahiya mo ako".
Ito ang mga salitang binitiwan ng kanyang ama matapos nyang ibalita na top 2 sya ng klase. Magtatapos na sya ng ikaanim na taon.
Labinlimang taon sya noon
Dumapo sa sikmura nya ang kamao ng ama.
"Bakit ka ginabi ng uwi?! Lagpas alas- sais na", sigaw ng ama na labas na ang litid sa galit.
Labingwalong taon sya noon
"Pak!"
Isang malutong na sampal ang tinaggap nya sa ama matapos nyang sabihin na ayaw nyang tumigil sa pag-aaral.
"Wala akong pampaaral sa iyo. Mag-aral ka mag-isa mo".
Bente uno anyos sya noon
"Lumayas ka rito. Wala kang kwentang anak. Matapos mo mag-aaral mag-aasawa ka lang. Buntis pa yang babae na iyan. Hala sige, layas. Buhayin mo pamilya mo", panlalait ng ama nya. Hihingiin lang naman nya ang basbas nito bilang magulang. Yun lang. Ikakasal na sya.
Sa tuwing ganito ang mangyayari, tahimik lamang si Ralph sa lahat ng pananakit at panlalait ng kanyang ama. Oo takot sya dito. Pero sa di malamang dahilan hindi nya magawang sumagot o lumaban. Kapag ang ama na nya ang nagsalita batas yun at iyon ang tama.
Galit, mga katanungan at lumbay. Ito ang dala-dala nya hanggang sa lumaki at bumuo na nga ng sariling pamilya. Buong buhay nyang sinikap mapasaya ang kanyang ama pero kahit anong gawin niya hindi ito kailanman natuwa sa kanya. Ang mga palo ,mura at panlalait na dinanas nya ay di niya akalaing naging mga binhi ng poot sa kanyang puso.
Matalim na tingin. Isang kasumpa-sumpang tingin na lang ang nagagawa nya sa tuwing sasaktan sya ng ama...na sa tuwing gagawin nya ay higit siya nitong sinasaktan.
"Ayoko sa'yo. Hindi mo ako mahal", mga katagang pulit-ulit na tumatakbo sa kanyang isip habang tinitiis ang mga sakit.
Pero noong nakaraang taon, sa ospital, ng malagutan ng hininga ang kanyang ama, wala pa rin siyang nagawa kundi yakapin ito at ang sumigaw, "Papa!!!"
"Patawad Anak" huling wika ng ama.
Tatlumput limang taon na siya noon
Psst! Pssst!
"Sinabi ko sa iyo matutulog ka ng tanghali",
Pingot-pingot niya ang bunsong anak na si Ralph Jr.
Isang hagupit sa puwet ang tinaggap nito at hindi ito magkandatuto sa sakit. Pinasok niya ito sa bahay...pinagmumura.
"Bobo ka! Di ka ba makaintindi." (habang dinuduro).
Kasumpa-sumpang tingin ang ginanti sa kanya ng anak habang lumuluha ito.
Napaatras sya ng isang hakbang. Nagsalita itong nanginginig, "Ayoko sa'yo. Hindi mo ako mahal".
Binitawan nya ang sinturon...niyakap ang anak...umagos ang kanyang luha.
"Patawad Anak", wika niya.
pinagmulan
*Bilangng salitang ginamit: 499
Sinikap ko pong limitahan hanggang 499. May mga parteng binura para umayon sa alituntunin :)
Naway inyong maibigan
Marami pong Salamat @steemph.cebu sa inyong pagbabasa