Sa lahat ng pagtatapos, ang paglubog na siguro ng araw ang pinakamaganda. Hudyat ito na matatapos na ang araw, pero ito rin ay nagsisilbing paalala na hindi lahat ng katapusan ay pangit.
Habang pinapanood ko ang paglubog ng araw at pagdilim ng paligid, biglang pumatak ang aking luha. Tatlong oras na akong nakaupo sa dalampasigan, pero hanggang ngayon hindi ko parin makuha ang sagot sa mga tanong na gumugulo sa aking isipan!
πΆ Bakit umalis nang walang sabi?
Bakit 'di siya lumaban kahit konti?
Bakit 'di maitama ang tadhana? π΅
Gaya ng paglubog ng araw, ang mundo kong dati ay puno ng kulay, ngayon bigla na lang dumilim.
Matatapos pa ba ang sakit? Makaka move on pa ba ako? Ito ang mga tanong na paulit-ulit kong sinasambit.
Si Nap ay naging nobyo ko ng tatlong taon. Nasa kanya na yata lahat ng hinahanap ko sa isang lalake. Gwapo, mabait, matalino, at maginoo.
Una ko siyang nakilala sa MSU, noong kami ay nasa kolehiyo. Siguro kung mas maaga ko siyang nakilala, siya ang pipiliin ko. Mas naging matiwasay siguro ang aking mundo. Hindi sana ako nasadlak sa buhay pag-ibig na sobrang komplikado. Pero hindi umayon sa amin ang tadhana, may laman na ang puso ko nang dumating siya.
Iba man ang laman ng puso ko, ramdam kong nandiyan lang siya. Nakamasid at naghihintay ng pagkakataon para sa aming dalawa. Kaya noong ako'y naging malaya, hindi na niya pinalampas ang pagkakataon. Ako ay niligawan niya na.
Hindi ko alam kung bakit, pero nagpursigi siya. Marami nang nagbago, dahil sa panahong ito, ako ay may anak na. Kaya hindi ko mapigilang ngumiti at maluha sa tuwing naaalala ko ang sinabi niya.
"Mahal kita at para sa iyo handa akong maging ama!"
Kaya sa oras ding iyon minahal ko na siya.
Hinilom niya ang mga sugat sa aking puso. Unti-unti niyang binuo ulit ang gumuho kong mundo. Noong hinusgahan ako ng mga tao sa paligid ko, pinagtanggol niya ako at pinaalala ang halaga ko! Tinanggap niya ang lahat sa aking nakaraan at minahal niya ako ng higit pa sa aking inaasahan.
Sa mga oras na iyon aminado akong hindi ako kamahal-mahal, pero hindi siya bumitaw at patuloy na lumaban!
Sa unang dalawang taon ng aming pagsasama, walang naging problema. Pero kapag tumagal na ang isang relasyon, at naging komportable na sa isa't isa, ang mga bagay na dati ay mahalaga, na-iitsapwera na.
Minsan dumarating sa punto na lahat na ng mali at kakulangan niya ang nakikita. Kaya noong may dumating na problema, sumuko ako bigla.
Tinulak ko siya palayo. Hinila niya ako pabalik. Ginawa niya ang lahat para manatili ako. Pero kahit gaano pa kalaki ang pagmamahal, lahat ng tao napapagod din. Hindi naman unlimited ang pasensya, kaya sa huli siya ay bumitaw din.
Noong siya na ang kumawala, ako naman ang kumapit. Narealize ko hindi ko pala kayang mawala siya. Kaya hinabol ko siya nung siya ay lumayo na.
Para kaming naglalaro ng tug of war. Naghihilaan at nagtutulakan. Pero sa pagkakataong ito, ako nalang ang kumakapit. At sa bawat higpit ng pagkapit, mga sugat ang naging kapalit!
Ganun yata talaga, hindi porket masaya sa umpisa eh may forever na!
Natuto rin akong bumitaw. Dahan-dahan. Hanggang sa tuluyan na akong kumawala. Totoo nga ang sabi nila, kapag nagmahal ka ng lubos dapat handa ka ring masaktan nang sobra.
Ako na nga ay lumisan. Bitbit ang alaala ng nakaraan. Nakaraang ayaw ko sanang kalimutan pero kailangan!
Unang hakbang, isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan.
Pangalawang hakbang, tuluyan na nga bang iiwan ang lahat ng pinagsamahan?
Pangatlong hakbang, umagos na ang mga luhang kanina pa pinipigilan.
Pang-apat na hakbang, dama ko ang bigat ng pakiramdam sa tuluyang paglisan.
Panlimang hakbang, ito na yun, wala nang bawian. Tatapusin ko na ang aking kahibangan.
Hindi ko alam kung saan tutungo, ang alam ko lang kailangan ko nang lumayo. Lumayo mula sa sakit at pighati ng pag-asang muling maibabalik ang dati. Pero ayoko na, sapat na, hindi na ako magpapakatanga!
Pero, where do broken hearts go nga ba? Paano nga ba mag move on sa tatlong taong pagsasama? Pagsasamang akala mo ay panghabang-buhay na, pero hindi pala. Pinagtagpo lang pala kami, pero hindi itinadhana.
Sabi ng aking mga kaibigan, para raw makalimot, kailangan ko munang lumayo, at hanapin ang sarili ko.
Kaya nag-book ako ng ticket papuntang Cebu. Wala akong plano. Gusto ko lang talaga munang lumayo.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip, pero bigla ko na lang napagpasyahang pumunta ng Siquijor. Ito kasi ang isa sa mga rekomendasyon ng mga sikat na travel bloggers para sa mga solo female travelers.
Sa islang ito, nanatili ako ng isang linggo. Marami akong nakilala. Isa na rito si Jayson. Kaka-graduate lang niya sa kursong BS Marine Engineering at papasok siya bilang apprentice sa isang barko na sa panahong iyon ay naka dunggo sa Dumaguete (isang oras lang ang layo mula sa Siquijor).
Bago pa man sumikat ang "That Thing Called Tadhana" eh naranasan ko ng magkagusto sa isang istranghero na sa paglalakbay ko lang nakilala. Pero hindi naman in a romantic way. Sadyang marami lang talaga akong natutunan sa kaniya at siya ang tumulong sa akin upang mahanap kong muli ang aking halaga.
Nilibot namin ang buong isla! Tinuruan niya ako kung paano mag drive ng single na motor. Tinuruan niya rin ako kung paano sumisid sa dagat at manguha ng salawaki (sea urchins) na siya namang naging pagkain namin. Pinaranas niya rin sa akin ang pagtalon sa dagat mula sa napakataas na platform sa Salagdoong Beach. Sinamahan niya akong akyatin ang napakatarik na bundok para makilala si Mang Edol, ang tinuturing na pinakasikat na sorcerer sa isla upang masaksihan ang kaniyang mahika.
Naligo kami sa mga talon, batis, at dagat. Kumain kami ng mga pagkaing doon ko lamang natikman, katulad na lamang ng salawaki. Dinala niya ako sa mga lugar na sobrang ganda at dahil dito nakalimutan kong ako pala ay nasaktan, na ako pala ay iniwan.
Ang unang araw ko sa isla ay puno ng luha at pangamba. Pero sa di inaasahang pagkakataon, ako ay kaniyang nakita. Sa tabi ng dalampasigan kung saan ako ay lumuluha habang nakatingin sa lumulubog na araw. At ako'y kaniyang nilapitan at tinanong...
Miss, ok ka lang ba?
Hindi ko alam kung bakit, siguro ay dahil kailangan kong ilabas ang sakit. Pero ikinwento ko sa kanya ang aking buhay pag-ibig. At mula noon, ang mga sumunod kong araw sa isla ay naging masaya na at narealize ko pwede naman palang maging masaya, kahit wala na siya!
Dumating din ang araw na kailangan ko nang bumalik sa realidad. Walang mapagsidlan ang aking kasiyahan at pasasalamat para kay Jayson na itinuring kong isang anghel mula sa langit. Di man namin kilala nang lubusan ang isa't isa, pero kami ay naging masaya sa mga oras na kami ay nagkasama.
Hindi ko siya naging nobyo. Pero naging matalik kaming magkaibigan. Ngayon, siya ay isa ng ganap na seaman sa abroad. Dahil sa karanasan kong ito sobrang dami kong natutunan, at isa-isa kong ibabahagi ito sa inyo.
Huwag mong idepende ang kaligayahan mo sa ibang tao. Dapat maging masaya ka muna sa sarili mo.
Huwag kang pumasok sa relasyon dahil malungkot ka lang. Hindi laruan ang puso at isipan. Kaya siguraduhing handa ka sa papasukan.
Mahalin mo at pahalagahan ang mga tao sa paligid mo dahil minsan saka lang natin malalaman ang kanilang halaga kung wala na sila.
Matuto kang mag-appreciate sa mga maliliit na bagay dahil minsan ito ang mas mahalaga. Kung ang kakulangan niya ang palagi mong nakikita, diyan nagsisimula ang problema.
Kung akala mong wala ka ng makikilalang iba, nagkakamali ka. Marami pang darating sa buhay mo. Kaya kung hindi na kaya, bitaw na. Sabi nga ni Popoy sa One More Chance...
Baka kaya tayo iniiwan ng mga taong mahal natin, kasi baka merong bagong darating na mas okayβna mas mamahalin tayo. Yung taong hindi tayo sasaktan at paaasahin, yung nag-iisang tao na magtatama ng mali sa buhay natinβng lahat ng mali sa buhay mo.
Pero hindi mo naman kailangang maghintay ng taong magtatama sa lahat ng mali, kaya mong itama ang mga mali kahit ikaw lang. Dahil tandaan mo, ikaw lang sapat na!
Kapag nasasaktan ka, imbis na magmukmok ka at umiyak ng walang humpay, gamitin mo ang oras na ito upang i-rediscover ang sarili. Huwag kang matakot gumawa ng bago, marami kang kayang gawin kailangan mo lang kumawala sa limitasyong binigay sa sarili.
Ang pagmomove on ay isang proseso na hindi kailangang madaliin. One step at a time, wag mo i-pressure ang sarili mo. 3 weeks, 6 months, 2 years, hindi mahalaga kung gaano katagal, ang importante, NAKA MOVE ON!
Umabot ng dalawang taon bago ako naka move on kay Nap. Ngayon, pag pinagmamasdan ko siya sa Facebook kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak, kaya ko nang ngumiti, at sabihing...
Masaya ako para sa iyo, Sweetie! :)
Ito ang aking entry sa patimpalak ni sis @jemzem na #magmoveontayo. Sana ay inyo pong magustuhan! :)
Nakakalungkot aman pu ang pinagdaanan mu sis @chinitacharmer buti na lang naka-move on ka na. Mayaman pu siguro ikaw, nakapagbakasyon ka ng 1week. Aku pu pag nagbakasyon ng 1day, pulubi later. Kaya hanggang kabilang kanto na lang aku gumagala, tipid pa. Salamat pu sa story mu.
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Nyahaha. Dati kc aq taong gala Ling2x kc freelancer aq. Pwede aq mag work kahit saan basta lng maumy laptop at internet. Hehe. Kaya hindi rin talaga bakasyon iyon, lumayo lng talaga panandalian, para makalimot. π
Salamat sa pagbisita sa aking post. Sana ay magamit mo ang mga tips q n d future.
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Pasensya na't natagalan akong basahin 'to, sis. Pero 'yung matinding hugot at emosyon talaga ang bumungad sa akin nang mabasa ko ito. Pero bawing-bawi sa kilig doon sa lalaking nakilala mo at talaga nga namang mala-That Thing Called Tadhana ang nangyari sa inyo sa Siquijor. Yeeeee! Sayang at hindi naging kayo. Pero malay natin. Hehehhee. Sobra akong naka-relate sa mga aral na natutunan mo. Best teacher talaga ang experience e. Pero ang mahalaga naman talaga e naka-move on na tayo dala-dala ang mahalagang aral na mai-aapply natin sa kasalukuyan. :)
Maraming salamat sa pagsali sa aking patimpalak at sa pagbahagi mo ng kwentong ito. :)
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit