Magmoveontayo ; Wala ka na nga talaga.

in magmoveontayo •  7 years ago  (edited)

PicsArt_04-25-05.46.50.jpg
Araw-araw ko parin naaalala yung sakit ng pagkawala nya. Siya yung taong laman ng aking mga kwento’t tula. Aaminin kong ni minsa’y hindi ko pa siya nakikita, ni hindi pa nahawakan. Napakasakit mawalan ng taong hindi ka man lang nakagawa ng magagandang ala-ala. May mga gabing nakatingin lang ako sa kalangitan, humihiling na sana’y magbalik ka kasabay ng pagtulo ng mga luhang nakikipagpaligsahan sa patak ng ulan. Ang hindi maipaliwanag na lamig na s’yang nagdudulot ng kagustuhang matulog na lamang buong araw.
Abril ng taong 2012 noong nakilala kita, kinilig ako noong una kong nakita ang iyong larawan na hanggang ngayon ay tinatago ko pa. Naghalo ang saya at lungkot ko dahil ang kasintahan ko noong panahong iyon ay ayaw sa’yo. Salawahan? Siguro nga, dahil mahal ko siya pero mas mahal kita. Mas pinili kita kesa sa kanyang kagustuhan. Mas pinili kita ngunit ako’y iyong iniwan.

Siomai, Dumplings, at Adobo, iyan ang iyong mga paborito mong pagkain kahit alam kong ayaw mo ng amo’y ng toyo. Lagi mo akong pinupuyat sa gabi at gigisingin mo ako ng napaka aga para kumain ng tsokolate. Oo, para pakainin lang ng tsokolate kasi alam mong wala akong masyadong kinakain sa loob ng isang buong araw. Masyado kang mahiwaga at sa hindi malamang dahilan ako’y lalong namamangha.

Halos araw-araw na kaming nag-aaway ng aking nobyo noon nang dahil sayo. Pero alam nyang mas mahal kita. Masama ba ko? Masama bang piliin ko ang taong alam kong mas magpapaligaya sa akin? Masama bang mahalin ka?

Nalulugmok na ako sa depresyon. Iniisip ko kung paanong kaya nyang tayo’y saktan. Hindi ba nya ko mahal? Hindi ba ko importante sa kanya? Meron ba akong karapatan para itanong ang mga bagay na iyon sa kanya? Hanggang sa isang araw nagpahiwatig kang mawawala ka na, na aalis ka na. Ayaw kong tanggapin at sabi kong kumapit ka lang, nandito lang ako, ipaglalaban kita.

Buwan ng Mayo noong taon ding iyon, tuluyan mo na akong nilisan. Para akong ninakawan ng emosyon. Nakatulala lang ako habang pinipindot ang mga numero ng telepono ng aking ina. Noong panahon iyon ay wala s’yang ideya kung ano bang nangyari. Inilahad ko ang aking istorya habang siya’y nakikinig lamang sa kabilang linya, “Ma, mahal ko siya pero iniwan na n’ya ko.” Sabi ko sa ina kong noon di’y nag-aalala. “Umuwi ka na muna. Mag-usap tayo.” Kalmado nyang sagot. Noon di’y tumagas ang mga luha kong hindi ko alam kung paano naipon. Tuloy-tuloy sa pagpatak at parang ayaw ng huminto.Niyakap ako ng aking nobyo habang humihingi ng tawad. Ayaw kong tanggapin ang mga salitang iyon. Namoo sa dibdib ko ang poot at galit; nasampal ko siya.

Umuwi ako sa bahay kasama parin siya at ang kanyang ina. Ayaw nila akong iwan mag-isa. Napakabuti ng kanyang ina. Bumungad sa amin ang aking amang walang ekspresyon ang mukha. Pinapasok na kami sa bahay at nag-usap sa sala. Malumanay silang nakikipag usap sa amin. Ang inaasahan kong galit nila’y napalitan ng awa para sa akin. Ang kaisa-isa lamang na tumatak sa aking isip na sinabi ng aking ama ay, “Akala ko ba matalino ka?”. Paulit-ulit kong naririnig ang mga katagang iyon sa aking isip. Hindi na nila ako makausap ng maayos dahil kung hindi ako nakatulala, umiiyak ako. Kasabay ng pagkawala ng pinakamamahal ko ang sya ring pagkawala ng ikalawang anak ng aking mga magulang. Maging sila ay nasaktan. Alam ko, nararamdaman ko. Hindi sila nagalit, nasasaktan sila. Bigla ako nawalan ng malay.

Nagising ako sa ospital, hinahanda na para sa operasyon. Kahit gaano kasakit ng paglalagay niila ng swero ay hindi ako umimik. Ni isang salita walang lumabas sa aking bibig. Pumasok ang doktora at nakangiting bumati. “Kamusta ka na? (humawak sa tiyan ko) Sayang yung baby mo”. Sumikip ang dibdib ko kasabay ng pagsakit ng aking lalamunan dahil sa pagpipigil ng pag-iyak.

Dilatation and Curettage, iyon ang operasyon para ihiwalay na sa akin ang aking anak. Ayoko na sanang tumuloy, gusto ko nalang na hayaang malason ako’t mamatay ng tuluyan. Ayoko ng mabuhay. Para akong nakatayo sa pagitan ng buhay at kamatayan kapag ipinagpatuloy ko pang mabuhay. Sobrang sakit mawalan ng iniingatan mong anak. Kahit hindi ko pa s’ya nakikita, ramdam ko s’ya.

Labin limang minuto, iyon lamang daw ang itatagal ng operasyon. Matatanggal s’ya sa aking katawan ngunit alam kong mananatili s’ya sa aking puso. Nakahiga na ako sa operating room, iniisip ko na sana masobrahan ang ilagay nilang anesthesia para hindi na ako magising. Pinabilang na ako ng sampu pagkatapos akong ineksyonan ng pampatulog. Isa, dalawa, tatlo (sana mawala na yung sakit), apat, lima, anim (anak isama mo nalang ako), pito….. Hindi ko alam kung natapos ko ba ang pagbibilang hanggang sampu. Ginigisng na ako ng nars. Nararamdaman ko ang pagtulak sa stretcher ngunit hindi ko maidilat ang aking mga mata.

Mag-gagabi noong ilipat ako sa semi-private na kwarto. Ang katabi kong kama ay nag-aayos na ng gamit dahil check-out na raw sila. Maya-maya pa’y may dumating na nars at may bitbit na sanggol. Nakatulala lang ako sa kanila. Napakasaya nila. Bigla akong kinausap nung nanay ng babaeng nanganak habang hawak ang kanyang apo. “Sayang neng, after several months may hawak ka narin sanang ganto”, nakangiti n’yang sabi. Hindi ako umimik at tumalikod nalang. Narinig kong humingi ng pasensya ang aking ina.

Move-on, ang ginawa ko hindi para kalimutan ka, ito ay pagpapatawad at patuloy na paglalakbay sa buhay. Hindi ibig sabihin na hindi na ako nasasaktan. Masasabi kong nabawasan na ang gabi-gabi kong pag-iyak at kinailangan kong magpatuloy sa buhay alang-alang sa mga taong patuloy na nagmamahal sa akin. Natanggap ko narin na hindi ko na maibabalik ang nakalipas, na wala ka na nga talaga. Paulit-ulit akong sinasampal ng realidad na sa paggising ko sa umaga’y walang ngingiti sa akin at tatawagin akong ‘mama’.

Ilang taon na ang nakalipas, ang sakit-sakit parin. Kaya nating mabuhay ng wala sa piling ng ating mga magulang ngunit ang hirap mabuhay ng wala sa piling ng ating anak. Araw-araw kong ipinapanalangin na sana kahit papano’y dalawin mo ako sa aking mga panaginip. Anak, mabuti ang lagay ni mama. Sa pagdaan ng panahon, unti-unti kong pinag-aaralan na mabuhay parin kahit wala ka na. Lagi mong gabayan ang iyong lolo’t lola. Naaalala ko lagi kung gaano ako kasayang agawan ng siomai yung tatay mo pag naglalakwatsa kami sa park at kung paano ako kumupit ng tsokolate sa tindahan ng lola mo tuwing alas otso ng umaga. Alam ko rin anak na napatawad mo na ang iyong ama kaya’t pinatawad ko narin s’ya. Mahal na mahal ka ni mama. Alam kong magkikita tayong muli.

Araw-araw tayong may pinagdadaanang pagsubok. Kahit gaano man kasakit ang idinulot sa atin ng ibang tao o ng ating mga karanasan, bangon lang, dahil may mga tao pang umaasa sa atin. #magmoveontayo

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Sa una hanggang gitnang bahagi ay naguluhan ako kung sino nga ba talaga ang dahilan ng pagmo-move on mo. Hanggang sa inilantad mo na ang nangyari at naliwanagan ako. Bagama't hindi pa ako isang ina, ramdam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng isang anak. Hindi iyon kayang mabaon sa limot nang ganoon na lang. Hindi madali ang pagbangon sa ganyang pangyayari dahil tripleng sakit pa ang dulot niyan kaysa sa bigong pag-ibig. Alam kong hindi madali, pero sana maging mas matatag ka pa. At alam kong nasa itaas na rin siya at ginagabayan kayo. 😊
Maraming salamat sa pagsali sa aking patimpalak at sa pagbahagi mo ng kwentong ito. ❤

Salamat Jemzem sa pag-appreciate ng kwento ko. Nakakatuwang makatanggap ng isang kumento mula sayo. Muli, maraming salamat 😊

galing sharm! sorry... tagal ko di nagsteemit..sali lang ng sali!

salamat ate :)

Congratulations @shao693! You received a personal award!

Happy Birthday! - You are on the Steem blockchain for 1 year!

You can view your badges on your Steem Board and compare to others on the Steem Ranking

Do not miss the last post from @steemitboard:

New japanese speaking community Steem Meetup badge
Vote for @Steemitboard as a witness to get one more award and increased upvotes!