Namasyal kami ng mga kaibigan ko sa isang malaking mall dito sa amin. Syempre kumain muna kami at dinala kami ng mga paa namin patungo dun sa kainan ng masiyahing bubuyog na hanggang ngayon ay di pa rin nagpapalit ng damit. Di siguro naliligo yun parehas sila ng katunggali niyang lagpas lagpas ang lipstick. Ang lagkit non for sure. Pagkatapos naming kumain ay dumiretso kami sa sinehan para manood ng "Sid and Aya: Not A Love Story". Para kaming timang sa loob na tawa ng tawa kahit wala naman talagang nakakatawa. Alam mo yung feeling na parang ang seryoso ng mga nanonood tapos kami ay walang pakialam. Pasado alas sais na nang matapos ang palabas na pinanood namin. Bago kami umuwi ay pumunta muna kami sa department store kasi may bibilhing sapatos yung kaibigan ko. Nung paalis na kami matapos niyang makapili at magbayad ay biglang tumunog ang alarm ng mall pagkalagpas na pagkalagpas namin dun sa parang sensor machine nila. Tapos bigla kaming pinalibutan ng mga sales lady at ayaw kaming paalisin. Takang taka naman kaming lahat kasi nga kakabayad lang ng kaibigan ko so bat tumunog? Isa-isa kaming kinapkapan at ininspeksyon ang mga bag namin. Nung turn ko na ay binigay ko yung bag ko dahil kampante naman talaga ako na wala akong kinuha at wala rin akong ginawang mali. Laking gulat ko na lang na may nakita silang isang designer's sandal (GIBI shoes) sa loob ng backpack ko. Pero in all fairness ha, maganda yung sandal. Kulay pink sya at mga nasa 5 inches ata yung taas ng heels kaya lang hindi nga ako yung naglagay nun sa bag ko at tyaka aanhin ko naman yun eh hindi naman ako mahilig sa high heels. Sneakers lang o di kaya rubber shoes ay solb nako.
Kaya lang ay di nila ako pinakinggan at dinala ako sa opisina ng supervisor nila at dun ako pinagpaliwanag. Tinanong ako ng tungkol sa maraming bagay kesyo bat daw napunta dun kung di ko kinuha. Ako naman talaga ay todo depensa sa sarili ko dahil alam kong di ko talaga gawain yun. Pero alam kong wala akong kalaban laban dahil may ebidensya silang pinanghahawakan. Nakuha sa bag ko yung sandal na nagkakahalaga ng P4 584.75. Sabi sakin bayaran ko na lang daw para matapos na at makauwi nako. OK lang naman eh kaso x10 yung presyo so magiging P45 847.50 na siya. Eh wala akong ganon kalaking halaga kaya bahala na si Batman. Buti na lang nakita ko ang pinsan kong si Angie, HR officer kasi siya dun at pinakiusapan na lang yung management kaya imbes na dalhin ako sa presinto ay hindi na lang nila ginawa bagkus ay napagdesisyunan nilang libutin ko raw ang mall habang suot-suot ang placard na ang nakalagay ay "Magnanakaw ako. Wag tularan." No choice nako kaya naman ginawa ko na lang tapos sinamahan ako nung guwardya. Sa totoo lang, nakakahiya sobra. Yung feeling na pinagtitinginan ka tapos kinukuhanan ka ng picture. Nako baka mag viral tapos ma flash pa yung mukha ko sa TV kaya minadali ko na lang ang paglalakad ko nang sa ganon ay makauwi nako agad.
Nung nasa may arcade nako ay nakita ko ang isang pamilyar na pigurang naglalakad patungo sa direksyon na kinaroroonan ko. Yung crush ko pala kasama ang barkada niya. Nagmasidmasid muna ako at nang mapansin kong di nakatingin sakin ang guwardiya ay tumakbo ako bigla palabas ng mall. Paglingon ko ay hinahabol na pala ako ng mga guwardiya at hindi lang dalawa kundi tatatlo pa sila. Dali-dali kong tinungo ang parking area kaso ang kalsada ay napalitan ng dagat tapos ang mga sasakyan ay naging bangka. Ano to? Anyare? Wala akong ibang nagawa kundi ang yumuko na lang at umiyak kasi naabutan ako ng guwardiya eh. Patay ako nito. Baka ma headline ako sa balita tapos ang pamagat ay "Babaeng Magnanakaw Nakatakas Na Nga Nabulilyaso Pa" eh me ged di ko kaya. Iyak na lang ako ng iyak nang biglang may tumawag sa akin. Palakas na palakas ang boses tyaka kung makayugyog sa balikat ko ay kala mo may utang ako. So yun na nga tinaas ko yung mukha ko at pagdilat ko ay nakita ko si mama. May dalang isang basong tubig akala ko ibubuhos sakin, ipapainom pala at isang bimpo na pinunas niya sa mukha ko. Basang basa ako ng pawis pero ang nakapagtataka lang ay wala nako sa mall kundi nasa kwarto ko? Panaginip lang pala ang lahat. Buti na lang. Kasi pag nagkataon ay di ko talaga alam ang gagawin ko. Ngayon ay iiwasan ko muna ang pumunta sa mall at baka mapagbintangan nga. Nako mabuti ng umiwas kasi dalawa lang yan eh, kung di ka mapagbibintangan baka ikaw pa ang manakawan. Wag naman sana.