The following story is written many years ago by the same author.
Mga buwan ang lumipas at patuloy ang aking paglalakbay,maganda na ang panahon,nakakatuwang tingnan ang magandang sikat ng araw na tumatama sa aking mukha,isang biyaya na tinatanggap ko sa araw-araw. Naging masaya ang aking paglalakbay,magaan ang aking puso at ako ay lubhang nalilibang. May mga pagkakataong nakakakita ako ng bakas ng ibang mga manlalakbay na lalo pang nagpagalak sa aking puso. Hindi lang pala ako ang narito sa disyertong ito. Napansin kong gumagabi na at natuwa ako nang may natanaw akong isang bahay, katabi ng isang maliit na ilog, may bukid sa di kalayuan, may mga halaman at bulaklak at ilang mga hayop na gumagala sa bakuran. Ito ay isang tahanan.
Dahan-dahan akong lumapit at dagli din akong sinalubong ng isang binibini na sa aking pagkawari ay ang may-ari ng bahay. Lumuhod siya sa aking harapan at nagwika,”Ginoo nalalaman kong kayo ay isang manlalakbay, kung ipapahintulot ninyo ay gawin ninyo na pahingahan ang aking hamak na tahanan bago kayo muling magpatuloy sa paglalakbay bukas. “Salamat Binibini!!”, habang yumuko din ako bilang pagtanggap sa kanyang kagandahang loob. Dala-dala ang aking bag, ay sinundan ko ang babae. Maganda ang bahay, simple ngunit halatang maayos siya sa pamamahay. Ang binibini ay nakasuot na parang isang damit pang-Muslim, may takip sa mukha at mata lang ang makikita, pati ang kanyang buhok na mahaba ay natatakpan ng mahabang tela sa may ulo. Pagpasok sa bahay ay agad nya akong pinaupo at pumunta sa kusina para kumuha ng tubig. Pinagmamasdan kong maigi ang loob ng bahay, pumasok sa aking isipan na malamang ang babaeng ito ay may asawa na. May mga gamit ng lalake akong nakita sa paligid at mga larawan ng mga bata, lalake at babae, na di ko mawari kung ano relasyon nila sa binibining ito.
Habang ako’y nalilibang magmasid ay dumating ang babae, may dalang tinapay at tubig, inilagay sa lamesa. Habang ipinapatong niya ang pagkain ay di sinasadyang malaglag ang telang nakabalot sa kanyang ulo. Nakita ko ang kanyang mahabang buhok, nagulat din ako na ito ay kulay itim at kulot kung saan hindi ito karaniwan sa bansang ito, malamang siya ay isang dayuhan. Sa pagkakatitig ko sa kanyang buhok ay bigla kong naalala ang tinuro ng aking guro sa agham, kasi ang kulot nyang buhok ay nakakahawig ng “double helix strand” ng DNA. Kasabay nito ay nakita ko ang kanyang buong mukha, maganda siya, nakangiti siya sakin, sabay sabing, “paumanhin ginoo!”.
Tumayo ako upang magpasalamat sabay abot ng telang nalaglag sa sahig. Sa isip-isip ko , kay gandang binibini. Bago ako kumain ay nagdasal muna ako, batid kong napatingin yun babae sa ginawa ko at may halong pagtataka. Masarap ang tinapay at malamig ang tubig. Likas yatang walang imik ang magandang binibing ito, matapos kumain ay isinama niya ako sa silid na aking tutulugan. Malinis ang silid, bagamat walang kasangkapan maliban sa isang kama at maliit na bintana, ang pinto ay natatabingan lang ng isang manipis na kurtina kung saan makikita rin ang loob ng kwarto. Napansin kong madilim na sa labas, gabi na. Ang tingin ko ay handa na rin syang magpahinga. Ako naman ay nag-meditate muna. Pagkatapos ng 2-oras na ako ay nakadipa sa aking meditasyon ay dumaan sya sa may pinto at sumilip sa ginagawa ko. Nang magtama ang aming mga mata eh ngumiti siya sa akin. Natapos ang aking ginagawa at ako ay humiga na para matulog.
Nagising ako mga 10 minuto makalipas ang alas dose ng hatinggabi, tumayo ako para magdasal. Naulinigan ko na parang gising pa sa kabilang silid ang magandang binibini, bigla ko naalala na hindi ko pa natatanong ang kanyang pangalan, sabi ko,bukas bago ako umalis ay hihingin ko ang kanyang pangalan.Nagsimula akong magdasal, pagkatapos ay nagmeditate pa ako ng ilang minuto, nang marinig kong parang umiiyak siya, lubha akong naguluhan. Humiga na ako at ipinagdasal ang binibini sa kabilang kwarto.
Ika-4 ng umaga ay nagising na muli ako,nagdasal at muling nag-meditate, pumunta ko sa kusina upang uminom ng tubig. Napansin ko ang mga makukulay na parol na nakalatag sa upuan at mesa, may mga ilan na di pa tapos sa may silid nya at ang iba naman ay nakasabit sa dingding, “asan kaya siya?,tanong ko”.
Lumabas ako ng bahay, humarap sa silangan upang salubungin ang araw. Muli idinipa ko ang aking mga braso bilang pagsalubong sa biyaya ng unang liwanag ng araw. Napansin kong dumaan sya sa likuran ko,hindi ko mawari kung saan sya galing. Magandang umaga Ginoo, isang matamis na ngiti nyang pagbati sakin. Ako ay tumugon, magandang umaga, namaste magandang binibini. Napakaganda ng sikat ng araw na tumatama sa aking mukha.
Ginoo pwede mo ba akong tulungan? Opo, tawagin mo akong Raziel ang tugon ko. Kakaiba ang pangalan mo,aniya. Sabi ng aking ama kinuha nya ang pangalan ko sa isa sa mga arkanghel, ang sabi naman ng guro ko eh ang kahulugan nito ay, tagapag-ingat ng sekreto. Di niya pinansin ang paliwanag ko. Pakikuha mo naman ako ng tubig sa ilog, sabay abot sa timba. Tinanong ko siya, anong pangalan mo? Tumingin lang siya sakin at sinuklian ako ng isang makahulugang ngiti at dagli ding tumalikod. Nalilito man ay nagtungo na ako sa ilog dala ang timba. Sumalok ako ng tubig. Nag-isip ako sumandali, sosorpresahin ko siya, ang bulong ko. Kumuha ako ng maliit na patpat at humanap ng isang sisidlan. Lumusong ako sa tubig hanggang abot tuhod, umusal ng dasal, at pagkatapos ay isinalok ko sa tubig and dala kong sisidlan. Tatlong malalaking isda ang agad kong nahuli. Siguradong matutuwa siya nito at may pangulam na kami.
Pagdating sa bahay ay inilapag ko ang timba sa sahig at ang isda ay sa lababo ko nilagay. Saan mo yan nahuli,tanong niya. Sa ilog saan pa. Kahanga-hanga ka talaga, kahit ang mga tagarito ay hirap na hirap makahuli ng isdang ganyan, lalo pa sa ganitong panahon na lahat ng isda ay nagtatago sa malalim na bahagi ng ilog.
Masaya ako dahil tuwang tuwa siya. Agad siyang nagluto ng aming almusal habang ako naman ay nag-aral ng aking leson sa silid. Dinig na dinig ko na humihimig pa siya ng isang awit. Lumabas ako ng kwarto at muling pinansin ang mga parol, parol na gawa sa straw. Pasko na pala, naalala ko na ang bayang ito ay nagdiriwang ng Pasko, kasi naikwento ito ng aking guro. Samantalang ang bayang pinanggalingan ko ay walang ganitong pagdiriwang. Matagal-tagal akong nakatitig sa mga parol waring inaarok ang puso ng gumawa nito nang may narinig akong tumatawag sa akin. Raziel, halika na kumain na tayo. Marahan akong lumapit sa kusina. Pag-upo ko ay agad din akong nagdasal. Kakatwa ang mga ugali mo, ikaw pa lang sa mga kakilala ko ang gumagawa ng ganito. Nagulat ako ng bigla siyang tumayo at nilagyan ako ng kanin at isang pirasong isda sa aking plato. Mukhang pinagsisilbihan nya ako. Malaki yun lamesa, umupo siya at magkatapatan kami. Sabi ko, Salamat, hindi mo pa rin sinasabi ang iyong pangalan. Pasensya ka na hindi ko pwedeng sabihin sayo. At bakit?ang aking tugon. Ngumiti lang siya. Paano ko maaalala ang iyong kagandahang loob kung hindi mo sasabihin sa akin ang iyong pangalan. May ibibigay ako sayo na magpapaalaala ng puso ng inyong lingkod na ito,sabi nya, sabay ngiti. Ngumiti din ako at masaya kaming kumain.
Pagakatapos naming kumain ay inayos ko ang aking gamit upang maghanda na sa pag-alis. Nagpunta ako sa kusina upang kumuha ng baon kong tubig, sa aking pagtataka eh wala siya sa buong kabahayan. Naayos ko na ang aking bag, handa na ulet akong maglakbay nang pumasok siya ng pinto at sa tingin ko ay masama ang kanyang pakiramdam. Agad ko siyang inalalayan patungo sa kanyang silid. Asan ang gamot mo, tanong ko sa kanya. Pagod lang ito sabi nya. Hinawakan ko sya sa pulso. Masakit ang ulo mo, nahihirapan kang huminga at mataaas ang iyong temperature. Dyan ka lang kukuha ako ng gamot, pinipigilan nya ako, gagaling din daw ito. Hindi ko siya pinansin at mabilis na nagtungo sa kusina. Isang basong tubig, tatlong pirasong ubas, kinatas ko ang ubas at hinalo sa tubig. Kumuha ako ng isang buto ng isang halamang gamot sa aking bag dinurog ito ng pino at hinalo sa baso na may katas ng ubas at tubig. Nagtungo ako sa kanyang silid at pinainom ito sa kanya. Pagkatapos ng 3 minuto ay nakarelaks na siya at unti unting nakatulog. Lumabas ako ng silid at sa sala ako nag-meditate habang binabantayan ko siya. Sa kalaliman ng aking pagninilay eh may nadama ako sa aking puso. Nahuhulog na ata ang loob ko sa mahiwagang babaeng ito. Muli ay pinagdasal ko siya. Habang hinihintay ko siyang magising ay nakatitig pa rin ako sa mga parol at nakikita ko ang magandang mukha ng binibini sa parol.
Biglang narinig kong bumangon ang dalaga at dumeretso sa mga parol na di pa tapos. Ayos nab a pakiramdam mo, ang tanong ko. Hindi niya ako pinansin. Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Sinubukan kong kunin ang kanyang atensyon ngunit bigo ako. Dumako ako sa kusina at may inayos na mga kasangkapan, nang matapos ko ang aking ginagawa ay sinilip ko ang babae, may galit sa kanyang mukha. Akoy lubhang nalumbay. Tinanaw ko ang hardin, ang silid kung saan ako natulog, ang kanyang silid at ang sala kung saan siya nakaupo at gumagawa ng parol. Wala pa rin reaksyon sa kanyang mukha. Inilagay ko ang aking bag sa aking likuran at lumapit sa kanya, lumuhod at yumuko ako sa kanya. Binibini kahit na hindi mo ibinigay sa akin ang iyong pangalan, ang manlalakbay na ito ay lubos na nagpapasalamat sa iyong kagandahang loob. Ang puso ko at mga panalangin ay sasaiyo mula sa araw na ito at hanggang sa ikaw ay nabubuhay. Maraming salamat!! Hindi ko mapigilang maluha, may lungkot sa puso ko. Hindi pa rin siya nagsasalita.
Tumayo na ako at lumabas ng pinto. Nagbuntong-hininga, umusal ng dasal at ngumiti sabay sambit ng, Salamat Panginoon, salamat.
Mataas na ang sikat ng araw, mainit and dampi nito sa aking balat, dahan dahan akong humakbang palayo. Nilingon ko ang dalaga, nakatingin siya sa akin, hindi ko mawari ang emosyon na kanyang pinapakita. Nagulat ako nang mapansin ko na may maliit na parol na nakasabit sa bag ko. Napangiti ako at tumingin muli sa magandang dalagang nagpasilong sa akin ng magdamag. Matagal din kami sa ganun sitwasyon, waring naguusap ang aming mga puso. Hindi ko maintindihan subalit gumaan ang aking pakiramdam, at nasambit ko ang mga katagang ito, Hanggang sa muling pagkikita, Paalam at Salamat.
Ang buhay ay isang paglalakbay, patungo sa ating mga pangarap.
Image Credit
- The Seed Story-continuation. (December 12,2007/ 6:57 am) by Rodel Catajay
It a good content @guruvaj. I upvoted it
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Thanks.
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Happy Valentines day my dear.
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Hi! I am a robot. I just upvoted you! I found similar content that readers might be interested in:
http://en.wikipilipinas.org/index.php/Ang_parol
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit
Nice story, sir!
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit