May Buhay sa Estero

in pilipinas •  6 years ago  (edited)

MAY BUHAY SA ESTERO

Sa isang masikip na kabahayan sa may estero ng Palma ang mag-asawang Tyson at Nida ay naninirahan. Salat man sila sa yaman ngunit sila ay marangal na namumuhay.Laking probinsya si Nida at napunta sya sa Manila, nagtatrabaho sya sa isang kainan bilang isang serbedora kung saan nakilala nya ang naging asawa nyang si Tyson. Maagang napasubo si Tyson sa mabigat na trabaho. Minabuti na lamang nyang sumama sa kanyang ama nung ito ay nabubuhay pa sa Shine Glass ., isang kompanya ng glass arts at industrial glass. Isa syang delivery drayber sa kompanya ngunit di naman kalakihan ang sahod. Kaya pinagkakasya at nag ipon silang mag-asawa ng maigi. Kailangan niyang magsumikap para sa pamilya mas lalo na ngayon, sa darating na tatlong buwan ay magiging tatlo na sila. Unang anak nila ni Nida.

Ang esterong yaon ay naka-schedule ng demolisyon sa susunod na buwan. Buti nalamang at napasama silang mag-asawa sa relokasyon ng gobyerno na kasalukuyan hinahanda para sa paglilipat ng mga benepesyaryo. Medyo may kalayuan nga lang sa trabaho ni Tyson ang lugar kompara sa estero. Ngunit hamak na maganda naman duon. Nakapagbisita na sila at nakita nilang maaliwalas, maganda ang kalsada at kumpleto ito, may tubig at kuryente. Siguradong mai-aangat ang pamumuhay ng bawat isa. Sa katunayan nasa kanila na ang mga susi sa bahay at hinihintay nalang nila ang pormal na araw ng pagbubukas at paglilipat. Ngunit pwede ng magdala ng gamit o maglagay ng mga ng higaan at iba pang kailangan.
Isang panibagong araw sa estero. Makulimlim ang langit, nagbabadya ang bagyong parating kaya puno ng pangamba si Nida na baka bahain na naman sila. Naka alerto naman sila kung sakali. Pag- sinabi ng punong Brgy. na kailangang lumikas ay kailangang makinig, gaya ng karaniwang nangyayari tuwing tag-ulan. Ngunit kakaiba ang araw na ito dahil anya ng PAGASA may kalakasan ang magiging ulan at hangin dulot ng bagyo.
Nida: “Wag ka na kayang pumasok ngayon Tay, baka kase bumuha agad.”(nag-aalalang sambit nya sa nagmamadaling asawa)
Tyson: “Kailangan kong pumasok ngayon, wag kang mag-alala Ida. Tingnan mo wala naming bagyo, diba sabi dapat kagabi pa yon pero wala naman. Minsan di na tugma ang forecast. (sabay turo sa langit na may kunting liwanag)
Nida: Okay,cege pero tawag ako mamaya ha..

Nang matapos itali ang mga sintas ng sapatos. Nagpaalam ito sa asawa. Sa loob nya, kailangan di sya makapag-absent para sa katapusan buo ang sasahurin nya. Naiisip nya ang gastusin sa panganganak ng asawa. Kumaway ito papalayo. Isang sakayan ng jeep pa ang may layong 20 mins ang kanyang pinagtatrabahuan. Nang makaalis ang asawa, nagligpit si Nida ng hapag kainan. Kahit maliit ang kanilang bakod, marami siyang tanim na gulay na nasa paso. Kamatis, luya, alugbati, sibuyas at iba pa. Masasabing isang bahay-kubo ito sa estero. Dahil may kunting ambon, di nalang siya mag- didilig ngayon. Yun ang kanyang palipas oras simula ng huminto siya sa pagtatrabaho sa Eatery nung tumuntong ng apat na buwan ang kanyang tiyan. Nakahiligan niya ang pagtatanim kasi laking probinsya siya. Pinili lang nyang lumuwas sa Maynila nuon dahil nagka emergency ang pamilya, at kailangang may maitulong sya kahit kunti.
Nung ala- una ng hapon, nagsimula na ang pagbuhos ng ulan habang nagtutupi sya ng nilabhan. Sumabay rin ang pag-ihip ng hangin. Walang tigil ang ulan hanggang mag- alas singko. Nangangamba na siya. Unang dungaw nya sa bintana, unti-unti tumaas ang tubig kanal. Nalingat lang sya sandali at itoy biglang naging hanggang bewang ang lalim. Hanggang umabot na nga sa dulo ng riprap. Dali-daling inihanda ni Nida ang dadalhin kung sakali kailangan umalis. Buti nalang at kunti nalang ang gamit nila ruon. Nailipat na nila sa bagong pabahay.
Aling Puring:” Nida, tawagan mo asawa mo at makauwi ng maaga. Mukhang sa elementarya na naman tayo matutulog ngayong gabi.”(sigaw ng kapitbahay)
Nida: Oho! Handa na po gamit ko Aling Puring.(pasigaw din niyang tugon)
Sa mga oras ding yon, nag ikot na ang kapitan para tawagin ang mga taga estero na lumikas sa lalong madali. Ang kanilang nagsilbing takbuhan tuwing may bagyo ay ang gym ng Palma Elementary School. Mataas ang lugar kaya ligtas sa baha. Nagsisilabasan na ang mga kapit-bahay nya dala-dala ang mga gamit na nakabalot sa supot para di mabasa sa ulan. Habang sya ang nagsuot ng kapote at yan na nga pumasok na ang tubig baha sa sahig. Napakaitim pa naman ang tubig na yon. Nag ring ang phone ni Tyson ngunit walang sumusagot. Marahil ay may ginagawa pa ito.
Kaya nag text nalang sya:”Tay, doon nako sa gym. Kailangan ng mag-evacuate. Mataas na tubig sa estero."
Habang sa parehang braso nakabitin ang mga kailangang gamit, lumabas sya ng bahay at sinarado ito. Sumabay na sya sa mga kapitbahay nya.
Laking gulat nilang mataas na pala ang tubig sa mag kalsada papuntang gym. Kaya nilusong nila ang hanggang binti na baha. Magulo at siksikan na naman ito. Duon siya pumwesto sa baba ng entablado.Naglinis muna sila bago ilapag ang gamit at banig sa malamig na sementong sahig. Nagring ang phone niya.

Tyson: Hello, Ida. Pasensya ka na at ngayong ko lang nabasa ang mensahe mo, may ina-unload pa kase kami kanina. Minadali na naming para makauwi ang lakas ng hangin at ulan.
Nida: Hello, tay. Andito na nga kami sa Gym. Dala ko lang yong importante nating gamit at sinara ko yung bahay. May pumasok na tubig na nga nong umalis ako.
Tyson: Ah ganun! Cege deretso nalang ako sayo at nang makakain na tayo. Nag take-out nalang ako ng pagkain alam kong mahirap dyan magsaing.
Nida: Ay.. oo nga pala. Hirap nga. Di ako makasingit duon sa likod, sa may kusina. Antayin kita. Ingat sa byahe pauwi.
Tyson: Okay Ida, bye.

Natraffic si Tyson. Isang oras na siya sa jeep. Tumaas ang oras ng byaheng karaniwang 20 mins ay naging isang oras. Kasi nga yong mga kalsadang mababa ay binabaha. Tumutirik ang ibang sasakyan. Nag re-route ang mga sasakyan kaya nagkabuhol-buhol ang traffic. Gutom na siya. Naaamoy pa naman niya ang pagkaing bitbit, ang fried-chicken na paborito ni Nida. Malamang gutom na rin ito sa kahihintay sa asawa. Hanggang sa wakas ay umabot na sya. Kinawayan siya ni Nida at duon naman nakatuon ang kanyang paningin. Dahil nasanay na sya na duon sila parating pumwesto. Nakapaghapunan na sila at nakikiramdam sa nangangalit na panahon. Habang ang hangin ay tuluyan na ngang bumwelo sa lakas na parang nananaghoy sa bawat hampas nito. Di naman paawat ang ulan sa kakabuhos na tila walang pag-kaubos.Walang sinyales na numinipis bagkos ang bawat butil ay buong-buo. Maswerte na nga lang sila sa enclosed gymnasium na iyon. Matibay at walang tagas. Siguradong ligtas sila duon. Ang mga nanay duon ay nagpapatulog ng sanggol, may mga matatanda ring yapos ang kumot dahil sa lamig. Ang mga batang may edad 6 hanggang 10 ay tila walang pakialam sa masamang panahon. Nag lalaro lang at nagtatawan, merong din umiiyak sa bawat pag tunog ng malakas na kulog at kidlat.
Balak sanang pumunta si Tyson sa bahay nila pagkatapos kumain ngunit nagbabala ang konsehal na wag nang bumalik dahil nga delekado. At biglang nawala ang kuryente. Malamang bagsak ang mga gawad. Kaya nagdasal at minabuting natulog nalang sila.
Pagka umaga ay tumila na ang ulan at kumalma na ang hangin. Kung gano kalakas ang pagdating ng bagyo ay siyang lakas din ng kanyang takbo papaalis. Nag-advice si Kap na antayin nalang muna nilang humupa ng tuluyan ang baha sa kalsada bago mag sibalikan sa bahay nila. Kaya nung hapon, pumunta si Tyson sa kanilang estero.Si Nida naman ay nagpaiwan nalang muna sa gym. Laking gulat ni Tyson sa nasaksihan. Wala na ang kanilang munting bahay. Na tangay ng baha ang mga maliliit na struktura duon. Bumigay pala ang rip-rap sa kanila kaya gumuho ang lupa. Nakatitig nalang sya sa kanal na dati ay tahanan niya. Na-aalala nya kung paano sila namumuhay duon sa loob ng 25 taon. Ang bahay kung saan kasama nya nuon ang mga magulang nya. Masaya at malinis naman nuon sa estero nung kabataan nya dahil kunti palang naninirahan doon. Pero sa katagalan naging masikip na ito. Habang dungaw ang tumatakbong tubig, kumuha siya ng malapad na bato at inihagis dito na parang namama-alam at nagpapasalamat.
Mabuti na nga lang siguro ito. Di na mahirap ang magiging demolisyon, mga konkreto na lang ang titibagin.
Bumalik na siya sa gym at ikiniwento sa maybahay ang nangyari. Wala na silang babalikan sa estero. Inakap nalang ni Nida ang asawa dahil ramdam niya ang pagkalungkot nito. Bumisita ang awtoridad ng pabahay at ina-anunsyo na pwede na silang tumuloy sa kanilang bagong bahay mula ngayon. Kaya napalitan ang lungkot ng saya. Nagtungo na nga at umuwi na sa bagong bahay nila.
Habang abala si Tyson sa pag-aayos ng gamit. Nagpahinga si Nida sa sofa dahil ramdam niyang nilalagnat siya. Tinawag ang asawa at humingi ng isa pang kumot dahil nagiginaw pa rin siya kahit doble na ito. Lumapit si Tyson at idinampi ang palad sa noo nito at pansin niyang ang taas ng temperatura. Dali-dali siyang tumawag ng tricycle para maka punta sila sa hospital. Ayaw sana ni Nida dahil parang kaya naman niya ngunit naalala pala niya na lumusong siya sa baha nong kasagsagan ng bagyo kaya natakot siya sa posibilidad ng leptospirosis kaya minabuting magpacheck sa doktor. Pagkatapos ng mga test, lumalabas na negatibo ito sa kinakatakutan. Kaya laking pasalamat ng mag-asawa sa Maylikha.
Image Source

-----KATAPUSAN----

Ang Realismong kwentong ito at mga tauhan ay likhang isip lamang. Sa kasalukuyan, ang pabahay ang isa sa malaking problemang kinakaharap ng ating bansa. Gusto ko lang ibahagi ang positibong pananaw at pag-asa na sana ay matugunan ito ng matiwasay. Di natin makakaila ang nakapanlulumong karanasan ng ating kapwa sa panahon ng kalamidad.

PS.: Photos that are used in the story are not mine.

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Ang kwentong ito ay salamin ng kasalukuyang panahon
Sana lang, gaya sa kwento,maunawain ang mga nire-relocate na mga naninirahan sa delikadong lugar
Nag-intay ako ng plot twist. Gayonman, mainam ang kwento

tama ka, kahit likhang isip itong kwento ngunit naglalarawan ito sa realidad ng ating panahon. pinaganda ko gamit ang isang relokasyong pabahay pero sa totoo lang... baka wala naman..

Meron din namang mga relokasyon. Dito sa aming bayan may mga relokasyon. Yung iba ay ayaw lamang lumapit dahil malayo sa syudad

yun nga lang., depende pa rin sa tao kung susunod..

Ang blog pong ito ay napili ng @likhang-filipino dahil sa napakainam na mensaheng hatid nito. Ito po ay aming itatampok sa arawang edisyon ng Likhang Filipino sa Steemit. Kayo po ay makatatanggap ng reward mula sa blog ng @likhang-filipino akawnt bilang benepesyaryo ng pay out. Ipagpatuloy po natin ang paglikha ng mga akda sa wikang Filipino. Maaari rin po ninyong gamitin ang tag na "likhang-filipino" para sa susunod ninyong akda sa sarili nating wika.

Marami pong Salamat


maraming salamat kung gayon man, mabuhay ang @likhang-filipino!

wala pong anuman :)