Dear Jennybeans: "Friendzone" (A Radyoserye Featured Story)

in pilipinas •  6 years ago 

hands-437968_1280.jpg

Pixabay

Ang kasunduan... Ang kasunduan na hindi pwedeng mahulog sa isat-isa ay kasunduan talaga. At pag sinabi nating ang ating kasunduan ay hanggang dito na lang at pag sinabi nating sa panahon na parang ang isa sa atin ay nahulog na..... Pakiusap lang yung isa ay lumisan na para naman yung natira ay di na mahirapan pa. Nung una pa lang Jennybeans alam ko na kung saan ako lulugar sa buhay niya at mas maliwanag pa sa sikat ng araw na hanggang soon lang ako... Na hanggang kaibigan lang ako. Masakit, oo pero ang hirap ibaling sa iba ang nararamdaman ko para sa kanya. Pwede akong umiwas pero hindi eh, hindi ko kaya... Hindi p-pwede.

u7rR1iU.png

Dear Jennybeans

Ako nga pala si Pia, dalawamput-apat na taong gulang at kaka resign ko lang sa kompanyang aking pinagtatrabahuan. Meron akong bespren at sobrang close kami sa isat-isa. Kung may mas i c-close pa sa tambalang Dora at Boots o di kaya kina Darna at Ding, kami na siguro yun. Sabay kaming nagtapos ng hayskul, sabay din kaming nagtapos sa kolehiyo at parehas din ang kursong kinuha namin. Halos lahat ata ng bagay sabay kami. Sabay umuuwi, kumain at gumala pero pagdating sa aming mga nararamdaman ay hindi kami nagkasabay. Nauna siya eh at heto ako napag-iwanan.

Meron siyang kasintahan Jennybeans, dalawang taon at pitong buwan na sila, o diba kalkyulado ko. Alam na alam ko yan dahil hindi siya nagmimintis na ibahagi sa akin lahat ng detalye tungkol sa kanila. Alam ko kung saan sila lumalabas at kung anong ginagawa nila. Naging sandalan niya rin ako sa tuwing nasasaktan siya. Jennybeans nag-away sila ng nobya niya at sa pagkakaalam ko ay may ibang lalaki na raw ito. Yan ang sinabi niya sa akin. Tinawagan niya kasi ako't nakipagkita siya ng personal para magkwento. At kahit na sobrang busy ko sa trabaho noon ay nabigyan ko pa rin siya ng panahon. Siya ang number one priority ko ehh. Nung umiiyak siya habang nagkukwento aaminin ko, nanggagalaiti talaga ako sa galit dun sa nobya niya kung bakit sinaktan at pinaiyak siya. Nasasaktan din ako sa tuwing nakikita ko siya na humahagulhol at halos mawalan na ng ulirat sa kakaiyak. Kung pwede pa lang na sabihin na "Kung ako na lang sana.. Kung ako na lang sana ang minahal mo ay hindi ka magkakaganyan." Ang sarap bitawan ng mga katagang yan pero wala eh, sinabi niya na sa akin noon pa lang na hindi kami talo. Dumating sa punto na hindi naayos ang problems nila ng jowa niya kaya nagkahiwalay din sila at iniwan siyang nag-iisa. Sa pag-iwan sa kanya ng ex niya ay andun ako at kahit noon pa man ay nandito lang ako parati para sa kanya. Ganyan siya ka espesyal sa akin.

love-3392348_1280.jpg

Pixabay

Dalawang buwan na ang nakakaraan Jennybeans buhat nang maghiwalay sila pero ako? Hindi mabilang kung ilang taon, buwan at mga araw na andyan ako parati para sa kanya. Kaya yan din ang rason kung bat ako nasasaktan pag nanlulumo siya. Na kung pwede pa lang akuin lahat ng sakit na nararamdaman niya ay gagawin ko. Mahal na mahal ko siya. Patago... Sa tuwing masaya siya dati sa piling ng kanyang nobya ay nagba balat-kayo ako, nagkukunwari at ipinapakitang masaya rin ako pero sa ka loob-looban ko ay sobrang sakit. Pero ngayon ay pursigido na akong ipakita na interesado ako sa kanya. Ipinaramdam ko na kahit anong mangyari ay nandito lang ako parati para sa kanya. Ginawa ko ang lahat para hindi niya lang maramdaman na madilim ang mundong kanyang ginagalawan. Gusto ko kasi na makita niyang magiging maganda ang bukas para sa kanya kung ako ang kasama ngunit mukhang isandaang anesthesia ata ang itinurok sa lolo niyo't sobrang manhid.

nature-3246122__480.jpg

Pixabay

Jennybeans sa kagustuhan kong makita niya rin ang halaga ko sa buhay niya at malaman niyang di lang simpleng kaibigan ang turing ko sa kanya ay kinon front ko siya. Inamin ko sa kanya na mahal ko siya at higit pa sa pagiging magkaibigan ang gusto kong mangyari sa amin. Alam mo Jennybeans sinabi niya sa akin na mahal niya rin daw ako. Nanligaw siya at sinagot ko rin naman agad dahil akala ko parehas kami ng nararamdaman sa isat isa. Hindi ko ini-expect na gagawin niya lang pala akong panakip butas. Ang akin lang naman Jennybeans ay sana mabigyan niya ako ng kahit kaunting puwang lang sa puso niya, kahit katiting na pag-ibig lang. Ang sakit Jennybeans lalo pa't binigay ko sa kanya lahat pati prinsipyo ko ay kinalimutan ko. Ngunit ang nakakapanghina ay ang masampal ka ng masakit na katotohanan. Nabasa ko sa selpon niya na makikipagbalikan siya sa ex niya... Na kesyo pampalipas oras lang daw ako. Masakit na hindi man lang niya ako mabigyan ng importansya. Masakit na hindi siya nagpakatotoo sa akin. Na kung sinabi niya na lang sana na hindi niya ako kayang mahalin ay tatanggapin ko kesa lokohin niya. At kung bibigyan niya rin lang naman ako ng atensyon dahil kailangan niya ng mapaglilibangan ay ako na mismo ang magsasabing huwag na lang... Hanggang dito na lang tayo.. Masakit man pero pinutol ko na ang koneksyon namin Jennybeans at nakipaghiwalay ako sa kanya.

question-mark-1872665__480.jpg

Pixabay

Bakit ganyan kayong mga kalalakihan? Parang dedma lang sa inyo ang aming mga nararamdaman? Ikakayaman niyo ba ang pagpapahirap sa amin? Nakakadagdag ba sa pagkalalaki niyo ang makasakit ng babae?

Jennybeans pinipilit ko na siyang kalimutan pero bakit ang hirap. Mali mang isipin pero may parte sa utak ko na nagsasabing baka matauhan siya. Na babalik siya't sasabihing nagkamali ako. Jennybeans sa totoo lang hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Kung paano ko ibabalik ang mga dating ngiti....yung dating ako. Paano ba Jennybeans, paano ba?

u7rR1iU.png

Abay hindi ko rin alam Pia. Paano nga ba? Chos... Mga Steemians nabasa niyo ang istoryang pinadala sa atin ni Pia, ang kauna-unahan kong sender sa radyoserye dati at as promised ito na't inilathala ko na. Alam kong medyo natagalan pero ok lang at least di ko nakalimutan.

Sa pagkakatanda ko ito ang naging payo sa kanya:

Hindi ako eksperto sa mga ganitong bagay pero kung ako ang nasa sitwasyon mo ay itutuon ko na lamang ang panahon ko sa mga taong higit na mas mahalaga kesa sa bespren mo at yun ay walang iba kundi ang iyong pamilya. Andyan lang sila parati para sayo at hindi ka iiwan. Kausapin mo sila. Alam kong magiging mahirap yan para sayo pero isipin mo na lang na hindi siya nararapat sa yong pag-ibig. Palayain mo ang sarili mong nakakulong sa isang hindi magandang sitwasyon. Pakakatandaan mo na merong taong inilaan para sayo. Yung taong mamahalin ka, yung taong makikita ang yung tunay na halaga at yung taong deserving sa pagmamahal mo. Dahil hindi hinihingi ang pag-ibig, kusa itong ibinibigay at ipinararamdam. Bumangon ka at harapin ang bukas na puno ng pag-asa :)

Chos... Kayo, anong gusto niyong ipayo kay Pia? Kung wala naman ay OK lang pasasaan ba't matatauhan din yun :)

u7rR1iU.png

U5dryacLKKpig2tysTaHYTxGFQtFrwZ_1680x8400.png

jennybeans.gif

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

sis pak na pak! panalo ka tlaga.
ikaw na ang radyo princess hehe
oy antay ko pa den yon ah

Salamat sis ...
Ngek sis hahahhaha trying hard lang talaga ako masyado.... :)
Sige, gagawa akong bago :)

I'd love you hear you on the radio for real <3

This comment was made from https://ulogs.org

Thank you sis <3