ANG HULING KANTA KO PARA SA'YO
Isang kanta na naman ang natapos ko.
Isang papel na naman ang nabasa ng luha ko.
Hanggang kailan ako iiyak?
Hanggang kailan ako masasaktan habang ginagawa ang bagay na gustung-gusto ko?
Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam.
Walang araw na hindi kita naaalala.
Parang makulit na replay na nagpapabalik-balik sa isip ko ang mga araw na magkasama tayo.
Ang mga araw na masaya tayo,
mga araw na wala tayong pakialam sa mundo,
mga araw na walang sila, tanging ikaw lang at ako,
mga araw na mahal kita at akala ko ako rin ay mahal mo.
Hindi ko makakalimutan ang maganda mong boses.
Ang boses mong bumubuhay sa bawat titik ng isinulat kong kanta.
Ang boses mong nanunuot sa kaloob-looban ko.
Ang boses mong kumukontrol sa emosyon ko, kaya akong pasayahin at kayang-kaya rin akong patayin.
Ang malungkot, mas pinili mo ang huli.
Pinili mong ako ay patayin.
Ang boses mong bumuhay sa nandidilim kong pag-asa,
ang boses mong nagparamdam sa akin kung gaano kasarap magmahal,
ang siya ring boses na dumurog sa akin.
Sabi ko, "mahal kita", ang sagot mo, "salamat pero may mahal akong iba."
Naguluhan ako. May mahal kang iba? Hindi pareho ang nararamdaman natin?
Kung gano'n, ano ang kahulugan ng matatamis na ngiti mo sa'kin?
Bakit mo ako hinahatid pauwi?
Bakit mo ako dinadalhan ng pagkain?
Bakit mo ako tinatawagan at tini-text kahit madaling araw?
Bakit mo ako ipinakilala sa pamilya mo?
Bakit iba ang higpit ng hawak, akbay at yakap mo?
Bakit sobrang lalim ng titig mo sa akin tuwing kinakanta mo ang komposisyon ko?
Pinaasa mo ba ako o sadyang humopia lang ako?
Pinaniwala mo ba akong mahal mo ako o sadyang nag-ilusyon lang ako?
Gusto kong magalit sa'yo.
Gusto kitang kamuhian at isumpa, maniwala ka.
Gusto kitang murahin, kasi putangina, ang sakit-sakit ng ginawa mo.
Pero hindi ko magawa.
Hindi ko magawa kasi, tanga na kung tanga,
mahal kita.
Mahal kita kahit ang tanga-tanga ko na.
Mahal kita kahit ang sakit-sakit na.
Mahal kita kahit nakikita kong masaya ka sa piling niya.
Mahal kita kahit para akong nasa hukay tuwing nakikita kong hawak mo ang kamay niya.
Mahal kita kahit awa ang nakikita ko sa mga mata mo tuwing nagkakasalubong tayo.
Isang kanta ang kasalukuyan ay isinusulat ko.
Tungkol sa kung paanong binuo mo ang mundo ko
at kung paano mo winasak ang mismong mundo na ikaw rin ang bumuo.
Tungkol sa kung paano ako naniwala na baka pwede, na baka may pag-asa, na baka ikaw at ako,
na baka ginawa ako para maging iyo,
at ginawa ka rin para maging akin.
Ito'y tungkol sa mga gabing nakatingala tayo sa langit
habang tinuturo ang maliwanag na huwan na pinapaligiran ng nagkikislapang mga bituin.
Mga gabing tayo lang at wala pang "siya."
Sana mabuo ko ang kantang ito na ako mismo ang kakanta.
O, 'wag kang tatawa. Alam kong wala ako sa tono.
Pero gusto kong ako ang kumanta nito.
Dahil sa pagkakataong ito, hindi ako susulat ng kanta para lang ilabas ang nararamdaman ko.
Isusulat ko ang kantang 'to para marinig mo.
Isusulat ko ang kantang 'to bago kita pakawalan,
bago ko tanggapin na merong "kayo", pero walang "tayo."
Ayoko ng umasa.
Ayoko ng humopia.
Kasi ayoko ng masaktan.
Kaya kagaya ng kung paano ko binitiwan ang lobo ko noong bata pa ako,
bibitawan na rin kita.
Kagaya ng kung paano ibinaba ng mandirigma ang sandata niya, susukuan na rin kita.
Tama na. Ayoko na.
Ang sakit na.
Putangina, ang sakit-sakit na.
Kaya huli na 'to.
Huling mga kataga,
huling mga patak ng luha
at huling kantang isusulat ko para sa'yo.
Sana magustuhan mo.
Abangan ang ikalawang "kwentula" na punung-puno ng hugot sa susunod kong steem. Sana'y nagustuhan n'yo ang una kong isinulat. Maraming salamat sa pagbabasa!
very nice
Downvoting a post can decrease pending rewards and make it less visible. Common reasons:
Submit