Image Source
Ito na lang siguro ang tanging kaligayahan
Na magkakaroon ako habang ako'y buhay.
Dahil kung kamatayan ay hindi papayagan
Masaya na ako sa pagtulog na lang.
Dito nagkakaro'n ako ng lakas muli
Na harapin ang mundong napakaraming hamon
Dito nahahanap muli ang sarili
Na nawala sa dami ng dumaang magulong kahapon.
Kahit dito man lang ay magpahinga ang problema
Sa patuloy na pangungulit 'pag nagkita na kayo sa umaga
Kahit hindi tumigil ang mundo para sa'yo
Kahit papaano, saglit na nakakapagpahinga ang pagkatao mo.
Sa pagsara ng bintana ng aking kaluluwa,
At paglabas ng malalim na buntong hininga
Kung payapa at tahimik, pati paligid sa'yo'y papanig
Anong saya ang nararamdaman tuwing pagtulog ay sasapit!
Saglit na pagtakas sa pagod ng buhay,
O sariling pagpuno ng lakas bago sa kinabukasan ialay.
Kaya sa akin ang matulog ay mumunting kaligayahan
At mula sa buhay ay mapawi ang gulo at kapaguran.
Image Source