Ito ang ikalabing-apat na araw ng Tatlumpong araw ng potograpiya: Isang Hamon
Nagsimula ang kahiligan ko sa pagbabasa ng mga kwento sa pangungulit ng asawa ni @davinsh na si @essiehime noong highschool pa lang kami. Pinilit niya akong tapusin ang isang pocketbook ng Precious Hearts Romances. Inabot ako ng isang buwan bago matapos ang isang libro. Pero doon nagsimula ang kahiligan kong magbasa.
Paborito ko si Rose Tan dahil talagang nakakatawa lahat ng gawa niya. At bilang mahilig din talaga ako sa nakakatawa, nahilig din ako magbasa ng mga libro ni Bob Ong.
May nanghiram ng Ang Paboritong Aklat ni Hudas na siya rin namang pinakapaborito kong gawa ni Bob Ong dahil sa mga nakakatawang banat niya doon. Kaya lang naging paborito na rin ata ng nanghiram kaya hindi na isinauli sa akin. Kaya simula noon ay bindi na ako nagpapahiram ng mga libro ko.
Lalo na ang mga Dan Brown kong aklat. Nadala ako ng mga aklat na ito sa kung saan-saan kaya inaalagaan kong maigi ang mga ito.
Isa pa sa kinukumpleto kong koleksiyon ay ang Harry Potter. Napakaganda ng mga takbo ng kwento at mga adventure nito. Mas maganda kaysa sa pelikula.
May mga mangilan ngilan din akong librong tingin ko ay susundan ko pa ulit ng mga kasama ng koleksiyon.
Ipapamana ko ang mga ito sa anak ko na sana ay magibg mahilig din sa libro. Alam kong uso na ngayon ang mga ebooks pero iba pa rin talaga ang dating ng mga libro para sa akin. Mayroon kang iingatan, babalik-balikan at panghahawakan. Masarap pa rin sa pakiramdam ang paglipat ng mga pahina habang ikaw ay sabik na sabik sa kung ano ang susunod na magaganap sa kwento. O marahil ako kasi ay isang matandang tao kaya ganoon ang aking pakiramdam. Hehe.
Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan
Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord