HAPLOS NG HANGIN

in tula •  5 years ago 

HAPLOS NG HANGIN

I
Kay sarap namnamin ang simoy ng hangin,
Lalo na’t nakatunghay ka sa magagandang tanawin
Para bagang paraisong wala ka ng hahanapin
Sa ligayang hatid nito’y kapayapaan sa damdamin
II
Kapag daka’y mag-iisip, hangin saan ka ba nanggaling
Nagtataka’t namamangha sa hiwaga mong angkin
Di maarok o masukat sadyang kay galing-galing
Biyaya ng Diyos sa atin ay inihain
III
Anumang init o alinsangan ang nararamdaman
Kapag ika’y umiihip na, gumagaan pakiramdam
Bukod tangi kang talaga tunay na mahalaga
Hatid mo sa tao’y buhay at pagpapala
IV
Kaya naman pakiusap ingatan natin ang mundo
Polusyon ay labanan sa kapakanan ng tao
Kapag malinis ang paligid kalusugan mo’y sigurado
Subalit kapag inabuso’y tiyak sakit makakamtan mo
V
“Ayan na, ayan na, di mo pa rin nakikita”
Yan ang bugtong sayo at sadyang tunay nga
Ang iyong katangiang sayo lamang inilathala
Nang Panginoon Diyos na sa ati’y may likha
VI
Kay banayad ng iyong dating kapag ika’y mapayapa
Ngunit kapag bagyo nama’y siguradong magdarapa
Mga punong kay titibay walang awang nabubuwal
Sa lakas ng iyong hampas daraanan ay hahapay
VII
Tao, hayop, o halaman ikaw ang aming kailangan
Kapag nawala ka’y wala na rin ang aming buhay
Tanging sayo umaasa upang paghinga’y matugunan
Katuwang ng Panginoon sa sangkatauha’y gumagabay

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE STEEM!
Sort Order:  

Ang Hangin ay isa sa Pinakamahalagang pangangailangan nating lahat dahil sa hangin naeenjoy natin ang maga bagay bagay dito sa mundo kung mawala ang hangin siguradong mawawala rin tayong mga tao....